“Sipag, tiyaga, at sakripisyo. Hindi maaaring mapagod at sumuko para sa kinabukasan para sa pamilya”. Ito ang mga salitang itinatak ni Aileen Rico sa kanyang isipan dahil mulat siya sa hirap na pinagdadaanan ng kanyang pamilya.
Ngunit, ang mga salitang ito ay hinamon ng pandemya. Lubos na naapektuhan ang kumpanyang pinapasukan ni Aileen sa Makati City. Dito lamang umaasa ang kanyang sariling pamilya maging ang pamilyang nasa Poblacion, Mabini, Pangasinan. Bago pa man lumala ang sitwasyon sa lungsod, napagpasyahan na ni Aileen na muling magsimula ng panibagong buhay sa probinsya. Umuwi ito kasama ng kanyang anak at kinakasama.
Taong 2022, sa pagtutulungan ng programa ng DSWD Field Office 1 (DSWD FO 1) na Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2P) at Sustainable Livelihood Program (SLP) ang pamilya ni Aileen ay isa sa mga tumanggap ng Transitory Support Package at Livelihood Settlement Grant. Bukod dito, tinulungan sila ng mga programang ito upang magamit ng maayos ang puhunang natanggap sa pamamagitan ng capacity building activities, matukoy ang negosyong kaya nilang palaguin, at malaman ang mga target market ng kanilang produkto sa kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng pag-alalay ng BP2P at SLP sinimulang itinayo ni Aileen ang kanyang Perfume at Clothing Business hanggang sa tinangkilik ito sa kanilang lugar. Sa kasalukuyan ang kanyang negosyo ay mayroon nang apat na resellers sa iba’t-ibang munisipyo ng Pangasinan. Dahil dito nakabili siya ng baka na inaalagaan niya bilang dagdag sa kanyang investment, nasimulan na rin niyang magtayo ng Rice Retailing Business, at mayroon na rin siyang savings na nakalaan para sa mga kanyang kakailanganin para sa kanyang pamilya at negosyo sa hinaharap.
“Kailangang tanggapin na hindi sa lahat ng pagkakataon sa pagnenegosyo ay malakas ang kita. Dasal at positibong pananaw lamang upang hindi panghinaan ng loob na sumubok ng iba samahan mo pa ng sipag at tiyaga, tiyak hindi ka papalya”, paglalahad ni Aileen sa sikreto sa patuloy na paglago ng kanyang kabuhayan.
“Sobrang thankful ako. Blessing kayo samin dahil isa ako sa pinalad na makakuha ng puhunan at mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling negosyo. Kahit papano ay nakakaraos na kami sa buhay. Mas sisipagan ko pa at hindi sasayangin ang pagkakataong ito na ipinagkaloob niyo po sa amin. Maraming salamat po sa DSWD – SLP, BP2P, at sa lahat po ng bumubuo sa programang ito. Wish ko pona marami pa po kayong matulungan”, lubos na pasasalamat na sambit ni Aileen sa ahensya.
Sinubok man ng panahon ang pagiging masipag at positibong pananaw ni Aileen, nariyan ang programa ng DSWD FO 1 na SLP at BP2P upang tulungang pabanguhin, baguhin ang buhay ng kanyang pamilya, at mas pagtibayin ang kanyang magandang pananaw sa buhay. (by: John Chris B. Zureta and Christian Carr – Sustainable Livelihood Program)