Ang pagiging isang Angels in Red Vest ng DSWD Field Office 1 (DSWD FO 1) ay hindi lang maituturing na propesyon bagkus isa din itong bokasyon.
Ang mga kawani ng ahensya ay handang maglaan ng oras, lampas pa sa itinakdang oras nang pagtratrabaho kung kinakailangan, kung hinihingi ng pagkakataon sa ngalan ng serbisyo publiko.
Sa katunayan, marami nang pagkakataong naipakita na ang paglilingkod sa DSWD Uno ay buong-buo at may puso.
Kagaya na lamang noong naganap ang Listahanan Encoding and Verifying Activity na kung saan nagsanib-pwersa ang lahat ng Division sa opisina para mag-encode at mag-verify ng daang-libong Household Assessment Forms upang matapos ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Special Validation, sa itinakdang deadline ng DSWD Central Office (DSWD CO).
Ang lahat ng inilaang oras at sinakripisyong araw ng mga kawani ng DSWD FO 1 kahit weekend at holiday ay nakita at kinilala ng DSWD CO.
Ang tatlong (3) natanggap na parangal ng ahensya ay ang Exigency of Service Award para sa pagiging responsable at masipag ng walang pag-iimbot; ang Synergic Force Award para sa naipakitang pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat; at ang Innovative Award para sa pambihirang pagsisikap at pagpapakita ng inisyatibo para matapos ang nabanggit na aktibidad.
May mga iba pang pagkakataon na kung saan naipakita ang pagdadamayan ng iba’t-ibang Office, Division, Section, at Unit sa ahensya. Gaya na lamang noong manalasa ang sunod-sunod na bagyo sa Rehiyon Uno at halos sabay-sabay ang kailangang maisagawang payout. Nagpasiya ang mga Division na magpadala ng mga kawani na tutulong para sa Cash Relief Assistance Distribution ng Crisis Intervention Section at Emergency Cash Transfer ng Disaster Response and Management Division. Sa pagtutulungang ito ng mga kawani ay naging mabilis ang pagpaparating natin ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta.
Patunay ito na sa DSWD Uno ay may Buong Pusong Serbisyo! By: Jaymante Pearl B. Apilado, Listahanan Information Officer