Ang Hulyo ay National Nutrition Month celebration sa Pilipinas. Ngayong taon, ang tema nitong “Healthy Diet Gawing Affordable For All” ay nakasentro sa paghahanda ng simple, mura, at malusog na meal plan para sa mas magandang kalusugan ng bawat Pilipino.
Base sa Presidential Decree No. 491, series of 1974, bahagi ang DSWD sa Nutrition Committee ng National Nutrition Council (NNC) na naghihikayat sa stakeholders na magkaroon ng sistemag makatutulong sa pagkakaroon ng masustansiyang pagkain na abot-kaya ng mga Pilipino.
Bilang tugon ng ahensiya sa kinabibilangang komite, sinisiguro ng DSWD ang kalidad ng nilalamang FFPs na ibinibigay bilang karagdagang tulong sa mga apektadong pamilya o indibidwal kapag may sakuna.
Tuwing may sakuna, pagkain ang pangunahing kinakailangan. Patunay ang huling datos ng DSWD, gaya na lang sa taong 2022 na 78.72% na Family Food Packs (FFPs) at 21.28% naman na Non-Food Items (NFI) ang naipamahagi ng DSWD Field Office 1 (FO 1) na tulong sa Rehiyon Uno at karatig rehiyon nito.
Bawat FFP ay naglalaman ng anim (6) na kilong bigas, apat (4) na delatang corned beef, apat na delatang tuna, dalawang (2) delatang sardinas, limang (5) sachet ng kape, at limang sachet ng cereal. Ang isang kahon ay sadya para sa limang miyembro ng pamilya para sa dalawang araw nilang pagkain.
Ang laman ng kahong nakapaloob sa isang FFP ay isinunod sa Recommended Energy/Nutrient Intake (RENI) kung saan makikita ang lebel ng nutrisyon na kinakailangan at sapat para sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan ng isang indibidwal. Ayon sa NNC, bukod sa sapat na nutrisyon, ang FFPs ay kailangang may mahabang shelf-life, buo ang packaging sa panahong ito ay nakaimbak, ligtas na ibyahe, at marapat na ito ay katanggap-tanggap sa lipunan, kultura, at relihiyon.
Sa panahon ng sakuna, mahalagang magkaroon ng tamang nutrisyon sa pamamagitan ng wastong pagkain kaya hinihikayat ng DSWD ang mga lokal na pamahalaang magkaroon ng masustansiyang relief items na ipamamahagi sa kanilang nasasakupan sa panahon ng kalamidad.
Dahil may sariling Quick Response Fund ang bawat Local Government Unit (LGU), ang paunang magbibigay ng tulong (food and non-food items) sa mga residente tuwing may sakuna ay ang LGU. Kapag hindi ito sapat ay maaari silang magrequest ng augmentation o karagdagang tulong sa DSWD (National) at sa iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan. by Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II โ Disaster Response Management Division