Pagpupursige sa pag-aaral at pagpapahalaga sa suporta ng Gobyerno – ito ang laging itinatatak sa isip at prinsipyo ni Jonalyn K. Espejo, 24 taong gulang, mula sa Barangay Peralta, Dingras sa probinsya ng Ilocos Norte.
Mula elementarya hanggang sekondarya, nasa ilalim siya ng suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dahil sa talino at sipag sa pag-aaral, nakapagtapos siya ng elementarya bilang Valedictorian at Salutatorian naman sa pagtatapos ng sekondarya.
“Noong nasa kolehiyo na ako, hindi naging madali ang pag-aaral ko dahil sa hirap ng aming buhay at napilitang tumigil ang aking kambal sa pag-aaral. Namasukan ako sa mga part-time job katulad ng tutorial services at pagbabantay sa computer shops noon para sa aking baon,” paglalahad ni Jonalyn.
Sa kabutihang palad, nakuha siya bilang scholar ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) noong 2016 at dahil dito natulungan siya sa kanyang tuition fee, book allowance, stipend, at iba pang gastusin sa pag-aaral. Hindi niya sinayang ang tulong ng gobyerno, at nagtapos ng kolehiyo bilang Cum Laude noong taong 2018.
Dahil sa kanyang pagpupursige at pamamaraan upang makaahon sa kahirapan, nag-apply at nabigyan siya ng pagkakataong mapabilang sa mga benepisyaryo ng DSWD Field Office 1 – Sustainable Livelihood Program (SLP) ng taong ding iyon. Nakilahok siya sa SLP – Skills Training ng Basic English Training Course habang naghahanda para sa kanyang board exam.
Naging daan ito upang siya ay magkaroon ng trabaho sa isang tutoring services at matanggap bilang guro sa Abra District Adventist Multigrade School (ADAMS) sa parehong taon at sa St. Joseph Educational Center of Dingras Inc. (SJECDI) noong 2019. Nang maka-ipon ng sapat na salapi, tinustusan niya ang kanyang sarili upang makapagtapos ng Master of Arts in Curriculum Design, Development and Supervision Major in English noong taong 2020.
Sa pareho ring taon, nagsimula siyang magtrabaho bilang kawani ng gobyerno bilang isang guro sa Mabini Elementary School sa Ilocos Norte. “Sa kasalukuyan, tatlong taon na akong nagtatrabaho sa public school, at napakalaking tulong talaga nito lalo na sa aking pamilya,” sambit ni Jonalyn.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon at sa mga sumuporta sa akin sa kabila ng pinagdadaanan kong hirap pati na ang aking pamilya. Sadyang napakapalad ko sa mga oportunidad na bumukas sa akin. Ito ang aking naging sandigan sa pagtahak at pagpasok sa aking propesyon,” dagdag pa niya.
Tumaas ang antas ng pamumuhay at nalinang ang kapasidad at kakayahan ni Jonalyn dahil sa SLP at 4Ps na programa ng DSWD FO 1. Gayundin, naging mas makabuluhan pa ito dahil sa kanyang pagpapahalaga sa bawat tulong na natatanggap mula sa Ahensiya at sa iba pang sangay ng gobyerno. (by: John Chris B. Zureta, Social Marketing Officer, and Jenyrose M. Rodriguez, Project Development Officer II, Sustainable Livelihood Program)