Bilang paghahanda sa kalamidad ngayong taon at iba pang aktibidad ay nagkaroon ng training ang mga naitalagang DSWD Field Office (FO) 1 Communication Focal Persons (CFPs).
Inumpisahan ang aktibidad sa isang mensahe mula kay Disaster Response Management Division (DRMD) OIC Chief Maricel S. Caleja. Aniya, “Dahil sa sabay-sabay na kalamidad ang naranasan noong nakaraang taon, sa pamamagitan ng CFPs ay mas mapabibilis ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga aksyon at updates sa mga sitwasyon ng ating mga kababayan lalo na kapag kasagsagan ng disaster. Ito rin ay isang paraan upang mapalaganap natin ang iba pang programa at serbisyo ng DSWD na maaaring maitulong sa mga nangangailangan.”
Sa aktibidad ay tinalakay ang importansiya ng Mass Media at benepisyo nito sa Ahensiya lalo na tuwing may sakuna. Nagbigay din ng mga tip at pamamaraan kung ano ang pinaka-epektibong promotional material kapag gagamitin ito sa social media. “Alam niyo ba na ang video posts ay nakakakuha ng at least 59% more engagement than other post types? We tried, and it is effective, as long as makuha mo agad ang atensiyon ng target audience mo sa mga unang segundo pa lamang ng bidyo ninyo”, ani Stephenson Querubin, ABS-CBN Regional Luzon Area Head.
Iprinisenta naman ni Jam Joie Malingan, Philippine Information Agency Cordillera Information Officer, ang dapat ikonsidera sa pagkuha ng litrato, pamamaraan sa tamang pagkalap ng impormasyon, at mga paghahanda bago magkaroon ng interbyu sa mga lokal na pamahalaan o benepisyaryo.
“Itong training na ito is very helpful para sa akin kasi naituro sa amin ang importansya ng pagconduct ng interview, pag-gather ng data, even photos and videos. Also, iyong writing a news and feature story ay naituro rin sa amin at makatutulong ito sa akin upang maipaabot ang maagap na impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyo ng DSWD para sa mga benepisyaryo”, kwento ni Jonell Aspiras, isa sa DSWD FO 1 CFPs.
“We need to be able to communicate effectively at ‘yung mga inputs and topics from the Learning Service Providers ay para mas maging aware tayo sa mga tips and techniques na iyan. Communication is exchange of facts, ideas, opinions, or emotions even by two or more people by talking, writing, actions, and even signs and symbols. But it doesn’t end there, dapat ay maintindihan ng intended recipient ang mensahe. It is important that we are able to level off and understand kung sino ang target recipient, so that we can design the communication effectively”, ani Regional Director Marie Angela S. Gopalan sa kanyang mensahe.
Pagkatapos ng talakayan ay nagkaroon ng workshop kung saan sinubok ang CFPs na gumawa ng kani-kanilang promotional material halaw sa mga aktibidad sa opisinang kanilang kinabibilangan. Ang mga naitalagang DSWD FO 1 CFPs ay magiging katuwang ng Information Officers sa paghahatid ng maagap na balita at kaganapan sa Departamento ng Region 1. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division