Isa sa mga pinakapinapangarap ng mga magulang para kanilang mga anak ay ang makapagtapos sila sa pag-aaral. Sa kabila ng hirap ng buhay ay ito rin ang mithiin ni Fernando Viernes mula sa Piddig, Ilocos Norte para sa kanyang tatlong anak.
Noon pa man ay sa pagsasaka at paggawa ng basket na gawa sa kawayan umaasa sina Fernando at kanyang asawa sa pagtaguyod ng kanilang pamilya. Dahil sa kapos ang kita sa kanilang hanapbuhay, hanggang high school lang ang natapos ng kanilang dalawa anak.
Ngunit dahil sa mataas na pangarap ng kanilang bunsong anak na si Lovely Rose at pagpupursigi na ring makatungtong sa kolehiyo, buong loob nilang itinaguyod at sinuportahan ang pagkuha niya ng Bachelor of Science in Agriculture major in Horticulture. Nais matulungan at maturuan ni Lovely Rose ang kanyang mga magulang nang mas maigi at mas magandang pagsasaka.
“Inkarkarigatanmi nga talaga ken baket ko nga tulungan isuna idiay panagbasa na iti kolehiyo tapnu matungpal diay ar-arapaapen iti pamilyami nga makaturpos uray maysa laeng kadagidiay annakko (Pinaghirapan talaga naming mag-asawang mapag-aral ang aming bunso upang matupad ang pangarap ng aming pamilyang makapagtapos kahit isa man lamang sa aming mga anak),” puno ng pag-asang paglalahad ni Fernando.
Dahil sa kurso ni Lovely Rose, napag-aralan niya kung paano magpatubo ng kabute at gawin itong negosyo. Ginamit niya rin ito bilang paksa sa kanyang Undergraduate Thesis upang mas mapalalim pa ang kanyang kaalaman tungkol sa pangangalaga ng mga kabute. “Idi nakaturpos nak iti panagbasak ket gapu iti kinarigat iti panagsapol ti trabaho napanunutak nga usaren diay thesis ko nga negosyo mi (Nahirapan ako sa paghahanap ng trabaho noong nakatapos na ako sa pag-aaral kaya naisipan kong gawing negosyo ang paksa ng thesis),” ani ni Lovely Rose.
Unti-unting binuo ng pamilya ang kanilang mushroom farmhouse at unti-unti rin itong lumago. Tumaggap din sila ng dagdag puhunan na Livelihood Assistance Grant (LAG) mula sa DSWD Field Office 1 – Sustainable Livelihood Program (SLP) dahil na rin sa epekto ng pandemya sa kanilang negosyo. Ginamit ito ni Tatay Fernando na pampagawa ng housing para sa kanilang mga pananim at pandagdag puhunan sa kanilang negosyo.
Ngayon, hindi na lamang sila nagbebenta ng mga kabute, gumagawa at nagbebenta na rin sila ng mushroom fruiting bags. Mula tatlong daang kita kada ani ng pamilya, ngayon ay umaabot na sa libo dahil patuloy nilang pinaiikot ang kanilang kita hanggang sa lumaki ito nang lumaki.
“Agyamyamanak laeng unay ta napagasatan iti pamilyak. Nu awan daydiay inted ti DSWD FO1 – SLP nga tulong ket baka inggana tatta haanmi paylang nalpas daytoy housing dagitoy o-ongmi ken baka bassit pay laeng iti kitami (Lubos ang pasasalamat ko dahil isa ang pamilya namin na nabiyayaan. Kung wala ang ibinigay ng DSWD FO 1-SLP na tulong, baka hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang housing ng aming mga pananim at maliit pa rin ang aming kita),” taos-pusong sambit ni Fernando.
Pagsusumikap at suporta sa bawat isa ang naging sandata ng pamilya ni Fernando upang labanan ang kahirapan. Dahil sa kanilang mithiing makalaya sa hirap ng buhay at tulong mula sa DSWD FO 1 – SLP ay nakahanap sila ng solusyon upang unti-unting makaahon. Basahin ang iba pang mga kwento ng kabute-hang dulot ng mga programa ng DSWD Field Office 1 sa buhay ng mga benepisyaryo nito sa fo1.dswd.gov.ph (by: John Chris B. Zureta, Social Marketing Officer, Sustainable Livelihood Program)