Sa pakikipagtulungan ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council 1 (RDRRMC 1), nagkaroon ng pagsasanay ang DSWD Field Office 1 (FO 1) Safety Officers kung saan tinalakay ang importansiya ng pagkakaroon ng Disaster Control Group (DCG) sa isang opisina kapag may kalamidad.
“Importante ang DCG in ensuring the safety and security within the jurisdiction. Kung small incident, DCG ang ina-activate pero once the disaster escalates, that is the time that you have to activate now your Incident Management Team. Ang ibig sabihin ay magagamit natin ang DCG kapag maliit lamang ang insidenteng ating mararanasan,” ani Freddie C. Evangelista, Office of Civil Defense Logistics Head.
Sa training ay gumawa ng DCG organizational structure para sa Field Office kung saan nagkaroon ng security, supply, communication, transportation, rescue, evacuation, medical, relief, fire, at damage control team na siyang mangunguna sa seguridad at kaligtasan ng mga empleyado at kliyente. Tinalakay din ang tungkulin ng bawat teams sa paghahanda sa mga nakaiskedyul na evacuation drill kagaya ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na isinasagawa quarterly.
Sa mensahe ni DSWD FO 1 Disaster Response Management Division OIC Chief Maricel S. Caleja, nabanggit niyang umpisa pa lamang ang training na ito at marami pang mga kasunod na training upang mas mapabuti ang paghahanda ng Field Office sa anumang kalamidad. “Isang goal ng training na ito ay talagang magkaroon ng occupational safety sa opisina, dahil mas masarap magtrabaho na alam mong safe na safe tayong lahat. We will work smarter, we will be on one phase or one direction dahil mayroon na tayong Disaster Control Group at Incident Command System kung saan mas makikita ang delineation of functions and harmonization in terms of command and control kapag may disaster. This training does not only help us in our professional knowledge but also our skills – more of strategies and tactical levels in responding during disasters,” dagdag pa niya.
Ang naitalagang DSWD FO 1 DCG ay mangunguna sa pagpaplano at pagbuo ng programa sa pag-iwas ng akisidente, pagkakaroon ng safety meetings, pangunguna at pangangasiwa ng safety training para sa mga empleyado, at paggawa at pagpapanatili ng disaster contingency planning.
Ang pagkakaroon ng DCG ay base sa Presidential Decree 1566 na naglalayong palakasin ang kakayahan ng Philippines disaster control at itatag ang pambansang programa sa community disaster preparedness. Isa sa mga kinakailangang tutukan ng naitalagang DCG ang mga iba’t-ibang drill na dapat gawin ng Ahensiya bilang paghahanda sa sakuna gaya ng sunog, bagyo, lindol, at iba pang natural at pangyayaring dulot ng tao. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division