“Kuya” kung ituring sa opisina at isang ama naman pagkauwi ng tahanan si Edward C. Vilog, isang DSWD Field Office 1 (FO 1) Administrative Aide (AAide) IV na nakatalaga bilang lead warehouseman na tumitingin sa mga stockpile sa Biday, City of San Fernando, La Union Regional Warehouse.
Ang paniniwalang “ang mabigat ay gumagaan kapag nagtutulungan” ay dala-dala ni Kuya Edward hanggang sa opisina kaya naman naging maganda ang pakikitungo niya sa mga kasamahang itinuring na rin siyang kapamilya, lalo na ng mga volunteer na madalas niyang kasama sa pag-repack ng Family Food Packs.
Bago naging isang empleyado ng DSWD FO 1, si Kuya Edward ay naging volunteer ng limang buwan sa regional warehouse. “Lahat ng natutunan ko bilang isang volunteer noon ay ginawa kong basehan para matulungan ko ang volunteers natin ngayon sa warehouse. Alam ko kasi ang hirap at pagod na maging isang volunteer at malaki ang naitutulong nila sa atin tuwing disaster operations kaya kailangan silang alagaan,” kwento niya.
Bukod sa naitalagang trabaho bilang AAide IV, si Kuya Edward, kasama ng kanyang mga katrabaho sa warehouse, ang nangunguna sa pagbibigay ng mga kailangan ng volunteers. Isa na rito ang pagluluto ng kanilang pagkain lalo na tuwing kasagsagan ng kalamidad.
“Masaya ang pagiging isang volunteer dahil maalaga ang mga taga-DSWD. Isa si Kuya Edward sa nagluluto ng aming pagkain at hindi kami hinahayaang magutom. Pamilya talaga ang turingan ng bawat isa sa warehouse. Naasideg kadami nga volunteer ni Kuya Edward, haanmi marikna nga nangatngato isuna kanyami isu nasayaat iti panagkakadwami (Malapit sa aming volunteers si Kuya Edward, hindi namin maramdaman na mas mataas ang posisyon niya kesa sa amin kaya maayos ang trato namin sa isa isa’t-isa),” salaysay ni Jovito Catbagan, isang volunteer mula sa Barangay Bato, City of San Fernando, La Union.
Pinatunayan ni Frederick T. Jaramillo, Head ng Regional Resource Operations Section, na si Kuya Edward ay isang mabuting indibidwal at maalalahanin sa mga kasamahan niya. “Kung paano trinato si Edward noon ng DSWD bilang isang volunteer ay ganun din ang ginagawa niya ngayon na pakikitungo sa volunteers. Mapagkumbaba at magaling makisama kaya “Kuya” ang tawag ng karamihan sa kanya. Tumutulong siya sa trabaho o maski sa personal na sitwasyon. Basta kaya niya ay nandiyan siya. Nagiging ehemplo ng magandang gawain si Edward sa kanyang mga kasamahan,” dagdag pa niya.
“Masaya at magaan sa pakiramdam ang makatulong kahit sa simpleng gawain. ‘A simple act of kindness creates an endless ripple’, iyan po ang nasa isip at puso ko palagi. Kahit alam kong hindi ako masuswelduhan noon sa pagiging volunteer ay pinili ko pa ring gawin dahil naniniwala ako na may good karma ito. Sa katunayan ay mas lalong gumagaan ang buhay kapag may magandang nagagawa sa bawat araw,” saad ni Edward.
Ang kwento ni Kuya Edward ay isang patunay na kung gaano tayo kabuti sa ibang tao ay ganun din ang magiging balik sa atin. Ang simpleng ngiti, pangangamusta, at pag-alok ng kung ano ang maitutulong ay posibleng malaking bagay para sa iba.
Ikaw, paano mo gustong pakitunguhan ka ng iba? By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division