Malakas na pagyanig ng lupa. Nagsitumbahang mga gamit.
Ito ang tila makatotohanang naranasan ng mga kawani ng DSWD Field Office 1 (FO 1) staff sa pakikiisa ng ahensya sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw, 10 Nobyembre 2022.
Sa ginawang pagsasanay ay alerto namang pinaalalahanan ng DSWD FO 1 Safety Officers ng bawat opisina ang mga kasamahan na gawin ang duck-cover-hold. Pagkatapos ng “pagyanig” ay kalmado nitong pinalabas ang mga kasamahan at idinirektang magtungo sa open area sa harap ng gusali ng opisina. Pagkarating sa open area, nagsagawa ng head count ang mga Safety Officers upang masiguro na kumpleto at ligtas na nakalabas ang lahat ng empleyado.
Sa tulong ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council 1 (RDRRMC 1) sa pamumuno ng Office of Civil Defense (OCD), naisagawa ng maayos ng Kagawaran ang earthquake drill. Matapos ng nasabing drill ay nagkaroon ng post evaluation meeting upang ilahad ang mga obserbasyon ng OCD evaluators sa pagpapabuti at paghahanda kung sakaling makakaranas muli ng lindol.
“Masaya ang Kagawaran na pinaunlakan ng RDRRMC 1 ang ating hiling na magkaroon ng evaluators sa ating earthquake drill. Dahil sa mga evaluators mula sa RDRRMC 1 ay mas mapapabuti natin ang ating paraan sa paghahanda sa lindol. Marami ang kailangang paghandaan, dahil hindi lamang ang facilities ang dapat hazard free kundi pati na rin ang mga empleyado na dapat magkaroon ng tamang mindset at right attitude kapag nagkaroon ng lindol. May mga rekomendasyon sa natapos na drill at handang tumalima ang DSWD FO 1 nang sa gayon ay mas maging ligtas ang ating workplace at pati na rin ang ating mga kliyente”, ani Assistant Regional Director for Administration Anniely J. Ferrer.
Layunin ng 4th Quarter NSED na tiyakin ang pagtatatag ng Disaster Control Groups (DCGs) ng bawat sangay ng gobyerno sa pagpaplano at pag-oorganisa ng drill, pagbuo ng evacuation plan, pag-orient sa mga kalahok sa mga pamamaraan ng paglikas, at iba pang mga kinakailangang talakayin patungkol sa kahandaan sa lindol base ito sa Executive Order No. 159 series of 1968.
Ang NSED ay ginagawa kada quarter upang mapataas ang partisipasyon ng pangkalahatang publiko sa pagtataguyod ng parehong indibidwal at pampamilyang paghahanda sa lindol tungo sa katatagan ng komunidad, kasama ang pagsasama ng mga hakbang at pamantayan sa kaligtasan ng publiko sa pagsasagawa ng NSED sa gitna ng bagong normal. #By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division