Malakas pa ang bisig at matipuno ang tindig ni Mang Marcelino Gamalong sa edad na limampu’t siyam. Dulot ito ng trabaho niya sa bukid at disiplina sa pagkain. Pagsasaka ang kanyang kabuhayan mula pa pagkabata. Ito rin ang pangunahing pinagkakakitaan niya para igapang sa hirap ng buhay ang kanyang pamilya. Ibinahagi niya ito sa aming panayam sa payout ng Unconditional Cash Transfer (UCT) sa Burgos, Pangasinan.
Pinalaki niya ang kanyang pamilya sa Don Matias, Burgos hanggang sa nakapag-asawa ang lalaking panganay at nakapagtrabaho bilang Job Order sa munisipyo at kasapi ng Burgos Action Special Assignment Team. Sila ang mga unang nagreresponde sa bayan tuwing may mga kaguluhan, disgrasya, at bagyo. Sa kasalukuyan, nasa pangalawang taon sa kolehiyo naman ang kanyang bunsong anak. Si Mang Marcelino ay nakikisaka lamang. Minsan sa isang taon lang sila nakakapag-ani ng palay. Sa tuwing tag-ulan lang sila nakakapagtanim dahil walang irigasyon ang kanilang baryo. Sa tag-araw naman, wala silang ibang pwedeng itanim sa mga lupang tigang. Kagaya ng karamihang kabaryo, siya ay sumasama sa gawaing konstraksyon pagkatapos ng anihan. Kung matumal ang patrabaho sa konstraksyon, siya ay nag-uuling na lang habang ang kanyang may-bahay ay nagba-buy and sell ng mga gulay. Inspirasyon nilang mag-asawa sa buhay na patapusin sa kolehiyo ang bunsong anak. May taglay itong talino at sipag sa pag-aaral. Naipasa ng anak na babae ang entrance exam para sa Kursong Bachelors in Education sa isang pampublikong unibersidad sa Dagupan. Dahil dito, libre ang kanyang twisyon. Sustento sa personal na kailangan na lang ang binibigay nilang mag-asawa sa dalagang anak. Ani Mang Marcelino, malaki ang nagawa ng sipag at diskarte ng kanyang asawa. Kung may maipon sila, ginagamit ito ng asawa na puhunan sa pagtitinda ng gulay at isda. Inilalako niya ang isda sa bawat baryo hanggang sa mabenta lahat. Bumibili na lang ito ng arawang tiket upang makapagbenta ng gulay sa palengke dahil wala silang sariling pwesto.
Ang pasanin niya bilang magsasaka ay apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo, at ng taunang pagkasira ng palay na sanhi ng mga bagyong dumaraan. Kwento niya, siya lahat ang gagastos sa gasolina, krudo, binhi, abono, at pestesidyo mula pagtatanim hanggang pag-aani. Ang 70% naman ng ani ay sa kanya napupunta. Gayunpaman, dagdag niya na kahit na anong gawing pagkwenta, ang halaga ng kita pagkatapos maikaltas lahat ng ginastos niya, ay hindi sasapat hanggang sa susunod na taniman sa tag-ulan, at alanganin ding may matira pa sa bigas para gawing binhi. Sa paglalahad niya, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasoline at krudo. Hindi rin tumaas ang presyo ng benta nilang bigas, bagkus ay bumaba pa, idagdag pa ang dagok na dulot ng bagyo sa mga palayan. Ang arawang sweldo din nila sa pag-eekstra sa konstraksyon ay tatlong daan pa rin. Hindi rin laging may patrabaho. Dahil dito, minabuting pangkain na lang nila ang aning bigas at hindi na pambenta. Sa halagang humigit kulang dalawang daan kada araw ay maliit din ang kita ng asawa nito. Dagdag pa niya, noon ay nakakayanan nilang bumili ng isang kilong isdang pang-ulam. Ngayon ay karaniwang ipinipikit na lang niya ang mata habang pinagkakasya ang pera sa kalahating kilong isda. Nakapako ang pag-asa nila sa buhay sa pagtatapos ng anak sa kolehyo at inaaasahang makakatulong ito sa pagbibigay ng disenteng buhay sa kanilang pagtanda.
Inilahad ni Mang Marcelino kung paano nagamit at gagamitin ang UCT cash grant. “Inilaan namin itong pampaaral sa aming anak. Ang maliit na halagang natira ay pinambili namin ng mga kailangan sa kusina. Wala ding ibang panggagamitan sa tatanggapin ngayon kundi ang pagpapaaral sa aming anak at ang matitirang anim na raan ay ipandadagdag ulit sa badyet sa kusina.”
Sa huli, paulit-ulit niyang ibinahagi ang kanyang pasasalamat sa UCT program. Malaking tulong daw ito sa mga magulang na nagsasakripisyo upang makapagtapos sa pag-aaral ang mga anak. Nabanggit niyang bukod sa UCT, hinihintay din niyang may programang ilalaan para tumaas ang presyo ng palay ng mga magsasaka. Para sa kaniya, magsasaka ang nagpapakain sa bayan. Ginto raw ang bawat butil ng palay, ngunit malayo pa sa kanila ang gintong buhay. (by: Paul B. Ruiz, Information Officer I/Social Marketing Unit)