Ngayong taon, ipinapatupad ang bagong proseso ng implementasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Risk Resiliency Program (RRP) sa pamamagitan ng Cash-for-Training (CFT) at Cash-for-Work (CFW). Ang Rehiyon Uno ay may kabuoang 20 Lokal na Pamahalaang magpapatupad ng nasabing programa. Mula sa kabuoan, ito ay nahati sa lima bawat probinsya.
Kasama ang Badoc, Nueva Era, Pagudpud, at Adams, isa sa limang napiling Lokal na Pamahalaan ang Dumalneg, Ilocos Norte na magpapatupad ng RRP ngayong taon.
143 Partner-beneficiaries ng Dumalneg, Ilocos Norte ang sumailalim sa CFT sa pangunguna ng DSWD Field Office 1 at DSWD Central Office – Disaster Response Management Bureau (CO-DRMB).
Sa pamamagitan ng CFT, ipinakilala ang RRP gayundin ang Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for Impoverished).
Ang Project LAWA at BINHI ay isang interbensyon na layuning tugunan ang kakulangan sa pagkain at tubig na dulot ng pagbabago ng klima at mabawasan ang kagutuman, kahirapan, at maibsan ang paghina ng ekonomiya ng mga komunidad.
Maliban dito, tinalakay ni DSWD CO-DRMB RRP Project Development Officer Rowell Ramil Jacinto ang mandato at mga pangunahing programa ng Kagawaran at kung paano maging benepisyaryo. Ipinaliwanag din niya ang layunin ng mga programa partikular na ang may kaugnayan sa Disaster Response at RRP.
Ibinahagi naman ni Provincial Government of Ilocos Norte Social and Environmental Safeguard Officer Hustler Garalde sa partner-beneficiaries ang mga dahilan ng kakulangan sa tubig gayundin ang iba’t-ibang paraan kung paano makapag-ipon at makatipid ng tubig. Ibinahagi rin niya ang epekto nito sa kalikasan, komunidad, mga hayop, at mga tao.
Ani Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Arlene Domingo, “Maganda ang ganitong pagsasanay dahil malaki ang tulong nito sa partner-beneficiaries pati na rin sa kalikasan. Dahil sa training na ito, mas naipaintindi sa kanila ang kahalagahan ng pangangalaga ng kalikasan at kung paano ito isabuhay. Maliban sa natulungan, sila rin ay natuto ng mga bagay na hindi lamang makabubuti para sa kanila at kanilang mga pamilya kundi maging sa bayan ng Dumalneg.”
Natalakay din ang Disaster Risk Reduction at Climate Change Adaptation and Mitigation, mga banta ng sakunang may kaugnayan sa mga pananim at Pest Control, Waste Management, at Environmental Protection.
Ayon naman kay Marivic Gorre, isa sa mga RRP partner-beneficiary, “Maraming akong natutuhan sa training na ito, gaya ng epekto ng El Niño sa aming bayan, pangangalaga sa kalikasan, at water sufficiency. Ang aking mga natutuhan dito ay tiyak na isasabuhay ko mismo sa aming tahanan at maging halimbawa sa aking pamilya at sa iba.”
Ang RRP ay isang programa ng Kagawaran na hindi lamang nagbibigay ng karagdagang kita sa mga mahihirap kundi naglalayon ding pangalagaan ang kalikasan at bawasan ang epekto ng pagbabago ng klima at bigyang kapasidad ang mga komunidad na maging matatag sa mga banta nito. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Social Marketing Unit)