Sa pagdaan ng Bagyong Inday sa bansa ngayong linggo, may inaasahan pang siyam hanggang 12 na bagyo ang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) na nakahanda ang mga relief resources nito na naka-preposition sa buong Rehiyon Uno.

Sa kasalukuyan, may kabuoang 118,481 food items, 12,875 non-food items, at 4,618 (tig-6 liter) na bottled drinking water na nakapreposisyon sa mga regional, satellite, at 25 active relief prepositioning areas sa rehiyon. Ito ay nagkagahalaga ng PhP96,223,548.32, bukod pa sa PhP3,000,000.00 standby funds na maaaring gamitin para sa agarang pagtugon sa panahon ng kalamidad. Kabilang sa mga food items ang Family Food Packs (FFPs) at Ready-to-Eat Food (RTEF), habang ang mga non-food items naman ay ang Family Kits, Hygiene Kits, Kitchen Kits, Sleeping Kits, Laminated Sacks, at Family Tents.
Bukod sa pagtiyak ng sapat na relief resources, patuloy ding nagsasagawa ang DSWD FO 1 ng regular na inventory, quality inspection, at reconditioning ng mga relief items katuwang ang mga partner-volunteers upang matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga ito at handang maipamahagi kung kinakailangan.
Pinalalakas din ng DSWD FO 1 ang koordinasyon at pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan, National Government Agencies (NGAs), Civil Society Organizations (CSOs), volunteer groups, at iba pang partner stakeholders sa pamamagitan ng paglalagda ng Memorandum of Agreements (MOAs) at Relief Prepositioning Agreements (RPAs) upang matiyak ang mabilis at organisadong pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang pagbibigay ng technical assistance ng DSWD FO 1 sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga orientation at iba pang capability-building activities upang higit pang mapahusay ang kanilang kahandaan sa disaster response, relief operations, Camp Coordination and Camp Management (CCCM) and Internally Displaced Persons Protection (IDPP), at Humanitarian Supply Chain Management (HSCM).
Sa pamamagitan ng sapat na relief resources, maagap na paghahanda, at matibay na koordinasyon sa mga partner agencies at organisasyon, layunin ng DSWD FO 1 na matiyak na walang pamilyang maaapektuhan ng kalamidad ang maiiwan nang walang agarang tulong at suporta mula sa pamahalaan. Alinsunod ito sa mandato ng Kagawaran at bilang Vice Chair for Disaster Response ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 1 (RDRRMC 1) na pangunahan ang disaster response operations at tiyakin ang maagap, organisado, at makataong paghahatid ng tulong sa mga apektadong pamilya at indibidwal. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
