Sa lipunang maraming mga matang mapanghusga at mapanuri, pinatunayan ni Al Villegas Cabeza, mas kilala sa pangalang Reid, na hindi ang kasarian ng isang tao ang magtatakda ng kanyang kinabukasan.
Bata pa lamang ay mahilig nang mag-ayos ng buhok si Reid at likas din ang pagiging malikhain. Sa murang edad ay unti-unting umusbong ang pangarap niyang magkakaroon ng sariling Beauty Salon. Para matupad ito, nagsumikap siyang magsimula sa maliit. Nag-umpisa ssaiyang mag-home service sa kanyang mga kostumers. Hanggang sa nakaipon at opisyal na binuksan ang kanyang 24k Ystewart Salon sa Poblacion, Pagudpud, Ilocos Norte taong 2016.
Naging maayos ang takbo ng kanyang negosyo dahil na rin sa magandang serbisyo. Dagsaan ang kanyang kostumers kaya’t’t kumuha na rin siya ng isang kasama. Bukod sa kumikita siya, nakakatulong na rin siya sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho sa kanyang salon sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho sa kanyang salon.
Nang dumating ang pandemiya, sinubok ang kanyang katatagan at diskarte sa buhay. Anim na buwang natigil ang operasyon ng kanyang negosyo. Sa halip na mawalan ng pag-asa, nakita niya ang oportunidad sa online selling. Nagbenta siya ng mga pre-loved bags at mga damit para may pansamantalang pagkakitaan.
Sa panahong ito, isang hindi inaasahang biyaya rin ang dumating. Napabilang siya sa mga nakatanggap ng livelihood assistance mula sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP) sa ilalim ng Livelihood Assistance Grant (LAG) noong 2021.
“Laking pasasalamat ko po dahil sa Php12,000.00 na tulong na natanggap ko. Hindi man po ganoon kalaking halaga pero ito ang nagamit kong dagdag puhunan para muling buksan ang aking negosyo,,” ani Reid.
Dulot ng pandemiya, hindi laging marami ang kanyang kostumers. May mga buwang kaunti lamang ang kita. Pero para sa taong determinado, hindi ito naging rason para tumigil siya. Hindi siya nawalan ng pag-asa, bagkus, nag-isip siya ng ibang paraan para maitawid ang kanyang negosyo.
Nagdisenyo si Reid ng makikinang na mga gowns at pinarenta ang mga ito bilang dagdag na pinagkakakitaan. Naging patok ang kanyang Gown Rental na matatagpuan mismo sa loob ng kanyang Beauty Salon. Madalas itong gamitin sa mga kasal, debut at iba pang okasyon. Isa rin siyang magaling na make-up artist, kaya naman mas nakilala siya dahil sa kumpletong serbisyo na naiaalok niya sa mga kostumers.
Ang mga pagsisikap na ito ni Reid ay hindi lamang para matupad ang pangarap na negosyo kundi para mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak na mag-isa niyang itinataguyod.
“Ang anak ko ang isa sa mga pinakamagandang nangyari sa akin. Siya ang rason kaya patuloy akong magsumikap. Ang tanging hangad ko lang ay ang magkaroon siya ng magandang kinabukasan,” aniya.
Kaya lagi siyang pursigido na mapanatili ang kanyang negosyo dahil ito ang pangunahing pinagkukunan niya para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng anak, gayundin ang pag-aaral nito. Ipinagmamalaki ni Reid na dahil sa kanyang Beauty Salon, nabibigyan niya ng maayos na buhay ang anak na papasok na sa kolehiyo sa susunod na pasukan.
Isa si Reid sa mga patunay na hindi nasusukat sa laki ng braso ang pagiging ama, kundi sa pusong handang magbigay at magmahal. Hindi man siya perpekto ngunit lahat ay ginawa niya upangupang mapalaki ng maayos, may y disiplina, at higit sa lahat ay ay marespeto sa kapwa ang kanyang anak.
“Bukod sa pag-aaral ng mabuti, lagi kong bilin sa anak ko na manatiling mapagpakumbaba at maging marespeto sa ibang tao,” dagdag niya.
Bilang miyembro ng LGBTQIA+ community, naging aral din sa kanya ang kahalagahan ng pagiging positibo sa buhay anumang pagsubok ang dumating.
“Sa mga kapwa ko na bahagi ng LGBTQIA+ community, maging matatag lamang tayo at magtiwala sa sariling kakayahan. Maging positibo sa buhay dahil kung kinaya ko ay kakayanin niyo rin,” mensahe niya.
Para kay Reid, hindi sapat ang isang kulay para ilarawan ang kanyang buhay. Kagaya ng bahaghari, pinili niya ang buhay na punong-puno ng kulay. Masaya, payapa, at malaya.
Sa pagdiriwang ng Pride Month, nagpupugay ang DSWD FO 1 kay Reid at sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ community. Ang inyong tapang at pagiging totoo ay tunay na kahanga-hanga.

