“Nasaririt.” Salitang iloko na nangangahulugang magaling o mabilis matuto. Kagaya ng pangalan ng isang grupo mula Brgy. Turod, Cabugao, Ilocos Sur, mabilis na natutuhan ng Turod Nasaririt Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) ang mga estratehiya upang mapalago ang kanilang General Merchandise kahit bago pa lamang sa pagnenegosyo.
Sa pagbubukas ng oportunidad mula sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) SLP, naglakas-loob ang 24 na miyembro ng SLPA na simulan ang operasyon ng kanilang kabuhayan noong Disyembre 2024. May mga pag-aalinlangan man sa simula ngunit hindi ito naging hadlang para kanilang tahakin ang landas na ito.
Bagaman maraming naunang tindahan sa kanilang lugar, naging bentahe ng SLPA ang maayos na pakikitungo sa kanilang mga suki. Bukod sa kumpleto sila sa mga pangunahing pangangailangan, binabalik-balikan din ang masayahing personalidad ng mga miyembro. Hindi lamang mga barya ang isinusukli nila, kasama rin ang mga ngiting tunay na nakakahawa sa bawat mamimili.
“Bukod sa sipag at tiyaga, naging puhunan po namin ang magandang pakikipagkapwa para magkaroon ng maraming kustomers. Naniniwala po kami na sa negosyo, kasunod ng maayos na pakikitungo sa kapwa ang mas masaganang kita,” ani Gina Marcos De Guzman, SLPA Vice President.
Naging mabilis ang takbo ng kanilang negosyo. Sa loob ng mahigit isang taon, dalawang beses nang nagkaroon ng profit sharing ang mga miyembro na umabot sa mahigit Php100,000.00. Katumbas ito ng 60% ng kanilang kabuoang kita. Samantala, ang natitirang 40% ay inilaan naman nila bilang dagdag kapital, savings, insurance at emergency fund.
“Sa pagtutulungan ng isa’t isa, napalago namin ang Php500,000.00 tulong pampuhunan mula sa DSWD FO 1 SLP. Kung tutuusin ay mga barya lamang ang tubo namin kada produkto. Pero ang mababang presyo ng aming mga paninda ang isa sa mga dahilan kung bakit kami nakilala,” dagdag ni Gina.
Bukod sa kumita, hangad din ng SLPA ang makatulong sa kanilang komunidad. Kung ikukumpara sa ibang tindahan, sa kanila ang may pinakamababa ang presyo. Dahil dito, dagsaan ang kanilang mga kustomers at naging mabilis ang pag-ikot ng pera sa kanilang tindahan. Ang mga barya kung ituring, kapag pinagsama-sama ay malaking halaga na para sa kanila.
Bilang gantimpala sa kanilang kasipagan, makakatanggap ang SLPA ng karagdagang Php200,000.00 Project Development and Advancement Grant (PDAG) o karagdagang insentibo na iginagawad sa mga SLPAs na nagsusumikap para mapanatiling sustenable ang kanilang mga kabuhayan. Gamit ang pondong ito, napagdesisyonan ng SLPA na bumili ng xerox machine bilang expansion ng kanilang tindahan lalo na’t malapit sa paaralan ang kanilang pwesto. Bukod dito, balak din ng SLPA na simulan ang kanilang hog raising business bilang bagong negosyo.
Sa ngayon, doble kayod ang SLPA para mas mapalago pa ang kanilang kabuhayan. Pursigido nilang inaaral ang wastong pangangalaga ng kanilang kita, masusing pagdedesisyon at pagpapanatili ng kaayusan at pagkakaunawaan sa kanilang samahan. Mula sa pagiging dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, napatunayan nilang may kakayahan din silang magtagumpay sa sariling diskarte at pamamaraan.
Mula umpisa, pinagbubuklod ng iisang hangarin ang mga miyembro ng Nasaririt Turod SLPA, ang sama-samang maiangat ang pamumuhay ng kanilang mga pamilya. Para sa kanila, ang patuloy na operasyon ng kanilang General Merchandise ay isang buhay na legasiya na patunay ng kanilang dedikasyon at pagkakaisa.
Ang bawat baryang naidagdag sa kaha ng kanilang tindahan ay sumisimbolo sa bagong pag-asang nagsisilbing motibasyon nila para patuloy na kumayod, mapapagod man, pero hindi susuko hanggang makamit nila ang minimithing tagumpay.

