Sa isang payapang bahagi ng Brgy. Cadiz, Umingan, Pangasinan, banayad na dumaloy ang bagong pag-asa para sa 25 miyembro ng Cadiz Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) na matiyagang nagtataguyod ng kanilang munting palaisdaan.

Sa bawat araw ng paglusong nila sa kanilang palaisdaan, dala ng mga miyembro ang pag-asa na balang araw ay masusuklian ang lahat ng paghihirap nila ng maginhawang kinabukasan para sa kanilang pamilya. 

Mag-iisang taon pa lamang sa Hulyo simula nang matanggap ng SLPA ang Php500,000.00 na panimulang pangkabuhayan mula sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP). Bilang mga benepisyaryo rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang tulong na kanilang natanggap ang nagbukas ng oportunidad para magkaroon sila ng sariling kabuhayan na nagsisilbing sandigan nila para tuluyan nang makaahon sa kahirapan. 

“Nagpapasalamat po kami sa oportunidad na ibibigay sa amin. Para sa amin hindi lamang po ito basta tulong, kasabay ng pagsisimula ng operasyon ng aming palaisdaan, ay simula rin ng bagong kabanata ng aming buhay”, ani Melvy Benito, SLPA member.

Nang magsimula ang kabanatang ito, may mga hamon din silang pinagdaanan. Karamihan sa mga miyembro ay walang sapat na karanasan sa pag-aalaga ng isda. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para hindi na sila magpatuloy. Naging kaagapay nila ang mga kasamahang bihasa na sa larangan ng pangisdaan. Malaking tulong din ang mga skills training kagaya ng Catfish Production Training na matagumpay na naisagawa sa pakikipag-ugnayan ng DSWD FO 1 sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Unti-unti ay natutuhan ng mga miyembro ang tamang pamamahala sa kanilang dalawang palaisdaan na nasa 700 square meters ang lawak. Mula sa paghahanda ng mga kakailanganing materyales, wastong pag-aalaga ng mga isda at higit sa lahat, ang matatag na samahang nabuo nila sa kanilang grupo. 

Pangarap at determinasyon ang naging pangunahing puhunan nila para mapalago ang kanilang kabuhayan. Sa loob ng halos isang taon, dalawang beses na silang nakapag-ani ng tilapia. Umabot sa 172 na kilo ang kanilang kabuoang ani na naibenta nila ng Php120.00 kada kilo. Sa ngayon, naghahandang muli ang grupo dahil sa susunod na buwan ay kanila nang aanihin ang kasalukuyang inaalagaang mga hito.

Hindi man ganoon kalaki ang mga unang kita, isa na itong malaking hakbang para sa SLPA upang makamit nila ang maginhawang buhay na inaasam. Malayo pa man ang kanilang lalakbayin, pero malayo na rin ang kanilang narating.

Naging malaking tulong din ang kanilang palaisdaan sa kanilang komunidad. Hindi na kailangan pang bumiyahe ng kanilang mga kabarangay ng halos kalahating oras para bumili ng sariwang tilapia sa bayan. 

Para sa SLPA, ang banayad na galaw ng tubig sa kanilang palaisdaan ay paalala na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa bilis o laki ng kita, kundi sa katatagan ng loob na magpatuloy kahit mabagal man o mabilis ang pag-usad. 

“Hinikayat po namin ang mga kapwa naming SLPAs na pakaingatan at pahalagahan ang binigay na oportunidad sa atin, samahan lamang po ito ng tiyaga at pagsisikap. Mahirap man sa simula, pero panatilihin lamang po natin ang pagtutulungan sa ating grupo.”, ani Melvy. Patunay ito na lahat ng simula ay mahirap. Ngunit kung sama-sama at tulong-tulong ang bawat kasapi ng grupo, ang mahirap ay unti-unting nagiging madali.

Ang kwento ng Cadiz SLPA ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat mangingisda sa Rehiyon Uno na hindi man laging kalmado ang agos ng buhay, may magandang kinabukasan na naghihintay para sa mga taong handang matuto at magsumikap. (by DSWD FO 1- Ilocos Region)