“Ang pagbabago ay hindi nangyayari nang biglaan; nagsisimula ito sa simpleng pagtutulungan ng bawat isa.”
Sa Marcos, Ilocos Norte, ang Elizabeth Parent Group ay pinatotoo ang kasabihang ito. Mula sa mga simpleng mamamayan na dating nakatuon lamang sa araw-araw na pagsusumikap para sa pangangailangan ng kanilang pamilya, sila ngayon ay kinikilala bilang isa sa mga pinaka aktibo at huwarang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) parent group sa Region 1.
Bago maging bahagi ng programa ang mga 4Ps beneficiaries na kabilang sa grupo, karamihan sa kanila ay namumuhay sa arawang trabaho mula sa pagsasaka, construction work, paglalabada, at maliit na negosyo. Kadalasan, sapat lamang ito para sa pang-araw-araw na pangangailangan kaya’t hindi naging prayoridad noon ang aktibong pakikilahok sa mga gawain sa komunidad.
Nang sila ay maging bahagi ng 4Ps, unti-unting nagbago ang kanilang pananaw. Sa tulong ng Family Development Sessions (FDS), natutunan nila anila ang pagiging responsableng magulang, kalusugan, edukasyon, at higit sa lahat – ang halaga ng pakikilahok sa komunidad.
Mula sa pagiging tahimik at limitadong partisipasyon, naging mas aktibo at nagkakaisa ang grupo. Sa paglipas ng panahon, lumalim ang kanilang samahan at naging matibay ang ugnayan bilang isang 4Ps parent group. Bilang organisadong samahan ng mga benepisyaryo ng programa sa komunidad, nagsilbi itong daan upang maisabuhay nila ang mga natutunan sa Family Development Sessions at sama-samang makilahok sa mga gawaing nakatutulong hindi lamang sa kanilang mga pamilya kundi maging sa buong barangay.

Sa kasalukuyan, kinikilala ang Elizabeth Parent Group hindi lamang sa kanilang pagsunod sa programa kundi sa kanilang aktibong kontribusyon sa komunidad. Kabilang dito ang kanilang partisipasyon sa Brigada Eskwela sa Elizabeth Elementary School at Santiago National High School, kung saan sila ay naglilinis at naghahanda ng mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase. Aktibo rin sila sa buwanang clean-up drives sa barangay, na nakakatulong sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng kanilang komunidad. Dahil dito, nakilala ang kanilang barangay bilang isa sa malilinis sa kanilang bayan.
Isa rin sa kanilang mga inisyatibo ng grupo ng 4Ps parents na ito ay ang community garden, kung saan ang mga ani ay ibinabahagi sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa mga may batang kulang sa nutrisyon. Ipinapakita nito ang diwa ng bayanihan at malasakit sa kapwa.
Dalawa pa sa kanilang natatanging proyekto ay ang “Piso Para Kay Bunso” at “Bata Tara Basa!”. Sa unang proyekto, ang maliliit na ambag ng mga miyembro ay nagiging tulong-pagkain at suporta sa mga batang may malnutrisyon. Simula Mayo 2026, anim na bata na ang natulungan nito.
Samantala, ang “Bata Tara Basa!” ay reading intervention program na tumutulong sa mga batang nahihirapan sa pagbasa. Sa pakikipagtulungan sa Elizabeth Elementary School, 15 bata na ang nakinabang at unti-unting nahuhubog ang kanilang kumpiyansa at interes sa pagbabasa.
Kamakailan lamang, kinilala rin sila bilang Regional Winner sa Search for Natatanging Parent Group 2026 sa Region 1. Para sa kanila, ang pagkilalang ito ay patunay ng kanilang sama-samang pagsisikap at dedikasyon sa komunidad.
Ang kwento ng Elizabeth Parent Group ay patunay na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pakikilahok. Mula sa simpleng pagsusumikap sa kani-kanilang tahanan, sila ngayon ay naging aktibong katuwang sa pag-unlad ng kanilang komunidad.
Ngayon, hindi na lamang sila mga benepisyaryo at grupo ng 4Ps parents sa kanilang lugar.
Sila ay mga boluntaryo.
Sila ay mga tagapagtaguyod.
Sila ay mga lider.
Sila ay mga tagapagbago.
At sa patuloy nilang pakikilahok, ipinapakita nila na ang pagkakaisa, kahit sa simpleng gawain, ay may kakayahang magdulot ng malawak at pangmatagalang pagbabago.#
