Nai-turnover na sa 3,345 partner-beneficiaries ang 165 na proyekto sa 13 Lokal na Pamahalaang nagpatupad ng Risk Resiliency Program (RRP) – Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for Impoverished) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1). Ito ay matapos makumpleto ang tatlong yugto ng implementasyon ng programa sa mga lokal na pamahalaan na siyang hudyat na nagsisimula na ang gawain at aktibidad na pangungunahan mismo ng mga partner-beneficiaries.
Batay sa datos ng DSWD FO 1 noong June 10, 2026, kabilang sa mga nagsagawa ng turnover ceremony ang Adams, Badoc, Dingras, Batac City at Dumalneg sa Ilocos Norte; Suyo sa Ilocos Sur; Santol at Aringay sa La Union; at Balungao, Laoac, San Carlos City, Burgos at Alcala sa Pangasinan.
Bahagi ng turnover ceremony ang panunumpa ng mga partner-beneficiaries at kinatawan ng mga lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy at pangangalagaan ang mga naisagawang proyekto. Pangungunahan ng mga partner-beneficiaries ang pagpapanatili ng mga ito habang patuloy namang magbibigay ng technical assistance ang mga LGU sa pagtatanim, pagpapalaki, at pagngangalaga sa kanilang proyekto, at pagbibigay ng kinakailangan suporta upang matiyak na maipagpapatuloy ang mga proyekto.

Ani Annie Dupagen, partner-beneficiary mula sa Adams, Ilocos Norte, “Bilang partner-beneficiary, buong puso naming itutuloy at pangangalagaan ang mga proyekto. Hindi lamang trabaho at sahod ang naibigay ng programa sa amin. Nagbigay rin ito ng kaalaman, karanasan, at matibay na samahan sa aming mga kapwa partner-beneficiaries. Makakaasa kayong hindi masasayang ang mga proyektong ito at gagawin namin ang aming bahagi upang mapanatili at mapalago ang mga ito. Sa pagtutulungan ng pamahalaan at ng komunidad at sa pamamagitan ng programang ito, naniniwala kaming magkakaroon ng mas magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon.”
Sa ilang mga lugar na nagpapatupad ng programa, madalas na umaasa lamang ang mga residente sa tubig-ulan at malalayong pinagkukunan ng tubig para sa kanilang mga taniman. Kapag humahaba ang panahon ng tagtuyot, naapektuhan ang produksyon ng gulay at iba pang pananim na nagsisilbing pagkain at kabuhayan ng mga pamilya. Sa pamamagitan ng mga proyektong naisagawa sa ilalim ng Project LAWA at BINHI tulad ng Small Farm Reservoirs (SFRs), community gardens, at iba pang food at livelihood production initiatives, nagkaroon ang mga komunidad ng mas maayos na access sa tubig at kakayahang magpatuloy sa produksyon ng pagkain at pagkakakitaan kahit sa panahon ng tagtuyot.
Kasabay ng turnover ceremonies, natanggap din ng mga partner-beneficiaries ang kanilang sahod para sa 20 araw na Cash-for-Training (CFT) at Cash-for-Work (CFW) na may kabuoang halagang PhP9,360.00. Ang cash assistance na ito ay nagsilbing pansamantalang kabuhayan habang aktibo silang nakikilahok sa implementasyon ng programa. Sa ganitong paraan, natutugunan ng programa ang kasalukuyang pangangailangan ng mga pamilya habang naghahanda para sa mas matatag at sustainable na mapagkukunan ng pagkain at kabuhayan sa hinaharap.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon sa iba pang mga partner-LGUs na napiling magpatupad ng Project LAWA at BINHI sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng mga partner-beneficiaries at lokal na pamahalaan, kasama ang technical assistance ng DSWD FO 1 at iba pang partner agencies, layunin ng programa na matiyak ang pagpapatuloy at sustainability ng mga naisagawang proyekto upang maging pangmatagalang pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan at higit pang mapatatag ang mga komunidad laban sa epekto ng climate change. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
