Mula sa pamumuhay sa lansangan, muling nabigyan ng pag-asa si Aquilino Escaño Benitez, 42 taong gulang, sa pamamagitan ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1).

Ayon kay Aquilino, labing-siyam na taon na siyang nagtatrabaho bilang helper sa Marikina. Nitong Enero (2026), umuwi siya sa Mangatarem dahil sa pagkamatay ng kaniyang ina. Muli siyang nagtungong Marikina matapos ang libing ng kanyang ina subalit pagdating niya roon, wala na siyang trabahong nabalikan. Dahil dito, unti-unti siyang nawalan ng pagkakakitaan at napilitang manirahan sa lansangan.

February 24, 2026, nang makita ng mga social worker ng DSWD National Program Management Office (NPMO) Pag-abot Program si Aquilino habang natutulog sa harap ng Aglipay Church sa Santo Niño, Marikina City, Metro Manila. Sa panahong iyon, wala siyang permanenteng tirahan at nahihirapang matustusan ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan dahil sa kawalan ng matatag na pinagkakakitaan.

Sa pamamagitan ng agarang interbensyon ng Pag-abot Program, sumailalim si Aquilino sa assessment, case management, at pansamantalang nanatili sa Pag-abot Processing Center sa Pasay City upang matugunan ang kanyang agarang pangangailangan at siya’y maihanda sa reintegration o pagbabalik sa pinagmulang lugar at komunidad.

Matagumpay na naibigay ng DSWD FO 1 Pag-abot Program kasama ang MSWDO Mangatarem, ang livelihood assistance ni Aquilino na nagkakahalaga ng PhP80,000.00 (unang larawan). Sinamahan siya ng mga kawani ng programa at MSWDO na bumili ng mga produkto na ilalagay sa kanyang sari-sari store (ikalawang larawan), maging sa pagsasaayos ng mga pinamiling produkto (ikaapat na larawan), hanggang sa pagbubukas ng kaniyang sari-sari store (huling larawan).

Sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development sa bayan ng Mangatarem, nakipag-ugnayan ang DSWD FO 1 sa kanyang pamilya at naibalik siya sa kanyang komunidad sa Brgy. Quetagan, Mangatarem, Pangasinan noong March 12, 2026. Mainit siyang tinanggap ng kanyang mga kapatid na nagsilbing kanyang receiving family at pangunahing support system sa kanyang muling pagbangon.

Sa kabila ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan, ipinakita ni Aquilino ang kanyang determinasyon na magsimulang muli. Bilang suporta sa kanyang reintegration, pinagkalooban siya ng livelihood assistance noong May 26, 2026 para sa pagpapatayo ng kanyang sari-sari store – isang kabuhayang inaasahan niyang magbibigay ng matatag na kita at makatutulong sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa kasalukuyan, patuloy na nagsisikap si Aquilino upang mapalago ang kanyang kabuhayan. Ang kanyang sari-sari store ay pormal nang nabigyan ng permit upang makapag-operate sa komunidad kung saan siya kumukuha ng pang-araw-araw niyang gastusin. Sa pamamagitan din nito, makakapagpadala na siya ng pinansyal na suporta sa kaniyang mga anak na naninirahan sa poder ng kanilang ina sa Cainta, Rizal.  Ang pagbabalik niya sa kanilang bayan, aniya ay nagbigay sa kanya ng pakiramdam ng seguridad, kalinga, at bagong pag-asa para sa kanyang kinabukasan.  

Ang kwento ni Aquilino ay patunay na sa pamamagitan ng maagap na pagtugon, tamang interbensyon, at matibay na suporta ng pamilya at komunidad, ang mga indibidwal na nasa lansangan ay maaaring muling makabangon at makapagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay.

Sa ilalim ng Pag-abot Program, patuloy na pinapalakas ng DSWD ang mga hakbang upang maabot, matulungan, at maibalik sa kanilang mga pamilya at komunidad ang mga indibidwal at pamilyang nasa lansangan, tungo sa mas ligtas, mas matatag, at mas maunlad na pamumuhay. (Lara Ellaine V. Estigoy, Project Development Officer II)