Nagpaabot ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ng PhP2,373,500.00 na tulong pinansyal sa 470 Persons with Disabilities (PWDs) at kanilang caregivers sa probinsya ng Ilocos Sur at La Union sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Cash-for-Work (CFW) Program at TheraFee Project.
Isinagawa ang payout sa mga bayan ng Burgos at Galimuyod,Ilocos Sur noong April 30 at May 28, habang noong June 3 at 4 naman sa Sudipen at Bangar, La Union.
Nakatanggap ng tig-PhP5,050.00 ang 423 PWD na benepisyaryo bilang kabayaran sa kanilang serbisyo at paglahok sa mga gawaing pangkomunidad tulad ng paglilinis ng mga kalsada at iba pang pampublikong pasilidad sa ilalim ng regular na implementasyon ng CFW Program. Samantala, ang 47 caregiver ay tumanggap din ng parehong tig-PhP5,050.00 sa ilalim ng TheraFee Project bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pag-aalaga sa mga kapamilyang may Permanent Total Disability.
Kaginhawaan ang hatid ng sahod na natanggap ni Marlyn Orpilla, caregiver ng Bangar, La Union, at isa sa mga benepisyaryo ng TheraFee Project.
“Malaking tulong ang sahod para sa maintenance na gamot ng anak ko. Makakatulong ito para mabawasan ang iniisip kong gastusin araw-araw,” ani ni Marlyn.
Dagdag pa niya, “Ito lamang ang programang alam ko na nagbibigay ng sahod habang inaalagaan ang sariling anak. Hindi ko kailangan lumayo para kumita kahit pansamantala lang.”
Ibinahagi rin ni Jovelyn Reyes Beraz, isa ring caregiver at benepisyaryo ng TheraFee Project mula sa Burgos, Ilocos Sur, kung paano makakatulong ang programa sa kanilang pamilya.
“Malaki ang maitutulong nito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng aking asawa na may spinal cord injury, lalo na sa pagbili ng kanyang mga kinakailangang gamot,” aniya.
Para naman kay Cristituto del Rosario ng Galimuyod, Ilocos Sur, isang PWD beneficiary, ang programa ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong magkaroon ng sariling kita at maipakita ang kanyang kakayahan maging produktibo sa komunidad.
“First time ko pong magtrabaho sa ganito (Cash-for-Work) at makatanggap ng sahod. Kahit pansamantala lamang, na-enjoy ko po ito dahil marami akong kasama at nakasalamuha sa aming barangay. Hindi lamang po ito naging pagkakakitaan para sa akin, kundi pagkakataon din upang mapatunayan sa aking sarili na kaya kong maging produktibo,” aniya.
Samantala, ibinahagi ni Edmar A. Onchita, isang ring PWD beneficiary mula sa Sudipen, La Union, na nakatulong ang programa upang magkaroon siya ng mas malaking tiwala sa sarili at pagkakataong makapag-ambag sa kanilang komunidad.
“Noong una, nag-aalangan akong sumama sa Cash-for-Work dahil akala ko mahihirapan ako sa paglilinis ng kalsada dahil sa aking kalagayan. Pero nang maging bahagi ako ng programa, napatunayan ko na madali lang pala maglingkod at makibahagi sa mga gawain para sa aming barangay,” aniya.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, kinikilala ng DSWD FO 1 KALAHI-CIDSS ang mahalagang papel ng mga PWD at caregiver sa kanilang mga pamilya at komunidad. Higit pa sa pansamantalang kita, layunin ng programa na mapalawak ang kanilang mga oportunidad, mapalakas ang kanilang partisipasyon sa mga gawaing pangkomunidad, at maisulong ang isang mas inklusibo at matatag na lipunan.
Patuloy ang pagsasagawa ng DSWD FO 1 ng mga programang nagbibigay ng suporta at oportunidad sa mga sektor na higit na nangangailangan, alinsunod sa layunin nitong matiyak na walang maiiwan sa pag-unlad.

