Hindi lamang nangunguna ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, nagbibigay rin ito ng technical assistance (TA) sa mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyong nakatuon sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Bilang bahagi nito, nagbigay ng TA at pinatuloy ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa Regional Warehouse nito ang Lokal na Pamahalaan ng Laoac, Pangasinan sa isinagawang benchmarking activity at warehouse visit sa Biday, City of San Fernando, La Union noong June 5. Lumahok sa aktibidad ang mga miyembro ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC), Violence Against Women and Children (VAWC), Child Development Workers (CDW), at Municipal Council for the Protection of Children (MCPC).
Layunin ng aktibidad na mabigyan ang mga kalahok ng karagdagang kaalaman hinggil sa mga proseso at mekanismo ng DSWD FO 1 sa disaster preparedness at humanitarian response, partikular na sa paghahanda, pag-iimbak, at pamamahagi ng mga relief goods sa panahon ng kalamidad.
Sa isinagawang warehouse visit, ipinakita ng DSWD FO 1 ang mga pangunahing proseso sa warehousing, relief stockpiling, inventory management, at logistics operations na mahalaga upang matiyak ang organisado, mabilis, at maagap na paghahatid ng tulong sa mga pamilyang apektado ng sakuna at iba pang emergency situations.

Ayon kay Benedict T. Pulido, Social Welfare Officer I at Child Protection Focal Person ng Lokal na Pamahalaan ng Laoac, naging mahalagang pagkakataon ang benchmarking activity upang makita ng mga kalahok kung paano maayos na iniimbak, pinamamahalaan, at inihahanda ang food and non-food items para sa disaster response.
“Para sa LGU, nagsilbi itong gabay sa pagpapabuti ng aming disaster preparedness system, kabilang ang inventory management, koordinasyon, at mabilis na pagtugon sa komunidad. Para naman sa mga kalahok, naging praktikal itong learning experience na magagamit nila sa pagpapalakas ng barangay disaster plans, child protection initiatives, evacuation management, at community drills. Sa kabuoan, mas napalakas nito ang aming kaalaman at kahandaan sa epektibong pagtugon sa sakuna,” ani Benedict.
Tinalakay rin sa aktibidad ang kahalagahan ng maagap na paghahanda, koordinasyon, at pagpaplano ng mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang proteksyon ng mga bata, kababaihan, senior citizens, persons with disabilities, at iba pang vulnerable sectors sa panahon ng kalamidad.
Mahalaga ang pagbabahaging ginagawa ng ahensya ng mga good practices, maging ang mga natutunang karanasan sa disaster response operations upang higit pang mapalakas ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng kanilang sariling mga mekanismo para sa disaster preparedness at response.
Sa pamamagitan ng mas matibay na koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, patuloy na pinalalakas ng DSWD FO 1 ang kahandaan ng Kagawaran at ng mga LGU upang matiyak ang maagap at mapagkalingang pagtugon sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
