Ang dating resident-client ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region – Regional Rehabilitation Center for Youth na si Mr. Daniel Patoc ay nagbalik sa center bilang isa ng social worker at case manager ng mga Child in Conflict with the Law.

“Deserve nila (Child in Conflict with the Law (CICL)) iyong tinatawag nating second chance na makapagbago. Sabihin man nila na nakagawa iyan ng masama, tao pa rin iyan, may tendency na magbago – na maitama iyong pagkakamali niya. Huwag nating i-judge na wala na silang pagbabago, na wala nang mangyayari sa buhay nila. Huwag nating tutuldukan iyong kwento ng buhay nila kasi tulad ko, natuto ako sa mga nangyari sa buhay ko,” iyan ang salaysay ni Social Welfare Officer I Daniel Patoc na isa nang Angels in Red Vest ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1).

Halos pitong taon siyang namalagi sa DSWD FO 1 Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) dahil sa isang pagkakasala noong siya ay 17 taong gulang.

Ayon kay Daniel, hindi naging madali ang kanyang pagbabago. Noong tuluyan na niyang natanggap sa sarili ang nagawang pagkakamali, sinimulan niyang pagbutihin ang kanyang mga gawi at isuko sa Panginoon ang kanyang sarili.

Habang nasa pangangalaga ng RRCY, nagdesisiyon din siyang mag-aral ulit sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng Department of Education para makapagtapos ng High School. Maigi niyang sinunod ang lahat ng mga patakaran at gabay sa center, at tinanggal ang mga masasamang bisyo na dahilan upang siya’y ituring na isa sa mga naging mabuting halimbawa sa mga kapwa resident-clients.

Malaki rin ang ambag ng kanyang mga naging case manager sa RRCY dahil sa kanilang ibinigay na suporta, tiwala, at pag-asa sa kanya.

“Ipinaliwanag sa akin na walang mangyayaring maganda sa akin kung ako mismo ay walang maayos na goal sa buhay, kaya ako nagkaroon ng goal kasi pinaintindi sa akin na ako din lang ang magiging kawawa paglaki ko,” ani pa ni Patoc.

Isa sa hindi niya makakalimutang aktibidad noon sa center ay ang “Shared a Home” na kung saan maaaring iuwi ng mga kawani ng RRCY ang ilang mga CICL na may malaking pagbabago sa ugali. Sa pamamagitan nito, ang mga CICL ay nakakabisita at nakakapagpasko sa tahanan ng kanilang mga case manager.

“Ang laking epekto sakin noong inuwi ako sa bahay ng mga staff. Nagpapasalamat ako sa naibigay sa aking tiwala at pinatuloy nila ako sa kanilang tahanan. Malaking aral iyon ngayon sa akin kasi kung hindi mo bibigyan ng tiwala ang mga CICLs ay parang wala na din silang tiwala sa sarili nila na magbago,” dagdag pa ni Patoc.

Nagtagal man ang pagdinig ng kanyang kaso, kalaunan ay nadismiss ito. Dahil dito ay nabigyan siya ng pagkakataong makahingi ng tawad sa pamilya ng nagawan niya ng pagkakamali.

Pagkalabas ni Daniel sa RRCY ay pinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Social Work. Halos magte-trenta anyos na siya nang makapagtapos siya ng pag-aaral at nag-volunteer sa isa pang center ng DSWD FO 1 na Area 1 Vocational Rehabilitation Center (AVRC 1) habang hinihintay ang resulta ng kanyang board exam.

Sa kabutihang palad ay nakapasa siya sa Social Workers Licensure Examination noong 2017, nag-apply sa DSWD, at naging Social Welfare Officer sa AVRC 1 sa loob ng pitong (7) taon.

Sa kasalukuyan, dalawang taon nang social worker sa RRCY si Daniel at ibinabalik ngayon sa mga residente ang parehong malasakit at pag-aarugang minsan ay kanya ring natanggap. Isa na rin siya ngayon sa mga case manager na nagbibigay ng interbensyon at tiwala sa 123 na CICLs ng rehabilitation center, upang katulad niya, harinawa sila’y magkaroon din ng pangalawang pagkakataon. (by: DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)