“Araw-araw pagod, pero hindi ako susuko. Para sa aking mga anak, kakayanin ko ang lahat.”
Ito ang mga salitang paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ni Rex Ramos Pascua, isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary at solo parent mula sa Barangay Pasocian, Bacarra, Ilocos Norte, na walang pagod na nakikipagsapalaran upang maitaguyod ang kanyang apat na anak.
Hindi naging madali ang mga nakalipas na taon para kay Tatay Rex.
Noong 2024, dumating ang pagsubok na hindi niya kailanman inasahang haharapin. Pumanaw ang kanyang asawa dahil sa sakit sa puso. Sa isang iglap, siya ang naiwan upang akuin ang parehong papel ng isang ama at ina sa kanilang pamilya.
Sa kabila ng pagdadalamhati, hindi niya hinayaang manaig ang panghihina ng loob. Bagkus, lalo niyang pinanghawakan ang responsibilidad bilang magulang. Nagdoble kayod siya sa trabaho bilang construction worker. Pag-uwi sa bahay, siya rin ang naghahanda ng pagkain para sa kanyang mga anak. Mula noon, ito na ang naging takbo ng kanyang araw-araw na buhay.
Ngunit habang pilit na ibinabangon muli ang kanilang buhay, isa na namang pagsubok ang dumating.
Noong 2025, nawalan siya ng trabaho sa kumpanyang kanyang pinapasukan bilang construction worker.
“Ang pinakamahirap po talaga sa akin bilang solo parent ay iyong mawalan ng trabaho. Doon po talaga ako sobrang nag-alala kasi hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pangkain ng mga anak ko,” pagbabahagi niya.
Ayon pa kay Tatay Rex, iyon ang isa sa pinakamabigat na yugto ng kanyang buhay. Apat na anak ang umaasa sa kanya, at bawat araw ay may kaakibat na pangambang baka hindi niya maibigay ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Sa gitna ng kawalan ng katiyakan, dumiskarte siya upang maitawid ang kaniyang pamilya. Pinalawak niya ang pagtatanim sa kanilang bakuran upang magkaroon ng pagkain sa hapag at nag-alaga rin ng mga baboy bilang karagdagang mapagkukunan ng kita.

Hindi rin siya tumigil sa paghahanap ng trabaho.
Dahil sa kanyang sipag, tiyaga at determinasyon, muli siyang nakabangon. Sa loob ng parehong taon, nakahanap siya ng panibagong trabaho at kalaunan ay naitalagang foreman sa isang proyekto.
“Malaking tulong rin po ang 4Ps sa amin. Kahit papaano, nagagamit namin ito sa pang-araw-araw na gastusin at sa mga pangangailangan ng mga bata sa pag-aaral. Tumaas din po ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Mas naisapuso ko na hindi kabawasan ng pagiging lalaki ang tumayong ina rin para sa aking mga anak dahil sa mga aral na natutunan ko sa Family Development Sessions,” aniya.
Bukod sa tulong mula sa 4Ps, nakatanggap din siya ng suporta mula sa lokal na pamahalaan ng Bacarra nang pumanaw ang kanyang asawa. Malaking ginhawa din sa kanilang kalusugan ang mga libreng gamot at serbisyong medikal mula sa Municipal Health Office kung kinakailangan.
Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang nasisilayan ni Tatay Rex ang bunga ng kanyang mga sakripisyo.
Ang kanyang panganay na si John Rich ay kasalukuyang nag-aaral sa Mariano Marcos State University. Ang pangalawa niyang anak na si Rex Denver ay Grade 11 na sa Bacarra National Comprehensive High School. Samantala, si Jewel Mahe, na nasa Grade 5 sa Pasiocan Elementary School, ay patuloy na nag-uuwi ng mga parangal mula sa paaralan. Maging ang bunsong si Reizon Gold ay kinikilala rin sa kanyang husay at sipag bilang kindergarten learner.
“Tuwing may naaabot na tagumpay ang aking mga anak, hindi ko mapigiliang maiyak sa tuwa. Napapaisip na lamang ako na sulit ang lahat ng sakripisyo at hirap na pinagdadaanan dahil nakikita kong natutupad ng aking mga anak ang kanilang mga pangarap,” salaysay ni Tatay Rex.
Para kay Tatay Rex, ang bawat medalya, sertipiko at tagumpay ng kanyang mga anak ay itinuturing niyang malaking tagumpay ng pagiging ina at ama sa kanyang apat na anak.
Ngayong Father’s Day, ang kuwento ni Tatay Rex ay patunay na ang sukatan ng isang huwarang magulang ay hindi lamang ang kakayahang magtaguyod ng pamilya, kundi ang kahandaang maging ama at ina para sa mga anak sa kabila ng anumang pagsubok. #
