Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng kampanya laban sa malnutrisyon, matagumpay na isinagawa ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Regional Supplementary Feeding Program Unit (DSWD FO 1 RSFPU) ang virtual 15th Year Supplementary Feeding Program (SFP) Implementation Review, kasama ang mga program implementers at iba pang stakeholders mula sa mga Local Government Units (LGUs) noong Mayo. 

“Sa kabila ng mga hamong naranasan sa 15th Year Implementation, nagpapasalamat ako sa tuloy-tuloy at walang humpay na suporta ng mga stakeholders mula sa LGUs ng  rehiyon,” ani Protective Services Division (ProtSD) Chief Clarivel C. Banzuela sa aktibong pakikilahok ng mga LGU sa pagpapatupad ng programa.

Sa ika-labinlimang taon ng implementasyon ng SFP, matagumpay nitong napabuti ang kalagayang pangnutrisyon ng mga batang kulang sa timbang. Base sa datos, nasa 81.28% o 3,803 sa 4,685 na batang kulang sa timbang ang nakabawi sa kanilang kalagayang pangnutrisyon, kabilang na rin ang mga batang lubhang mababa ang timbang. Dahil dito, nakamit at nalampasan ng programa ang target na 70% na itinakda sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) para sa taong 2025.

Tinalakay rin sa PIR ang mga bagay na nakatulong sa implementasyon noong nakaraang taon, gayundin ang mga isyu at hamon sa pagpapatupad ng programa. Ilan lamang sa mga bagay na nakatulong sa programa ay ang paglalaan ng badyet ng ilang LGU para sa storage facility, gaya ng refrigerator at chest freezer. Dagdag pa rito ang goal-oriented strategies tungo sa gawi o asal ng mga magulang at tagapangalaga sa pagkontrol o pagbabago sa diyeta ng mga bata, kasama na rin ang pagtukoy at pagsasagawa ng mga pamamaraan sa pagkain ng mga bata. Sa kabilang banda, ilan sa mga hamon sa programa ay ang pag-iimbak ng mga pagkaing madaling mapanis dahil sa kawalan ng storage facility ng ibang mga Child Development Center (CDC), kawalan o malimit na pribadong sasakyan sa pagkuha ng food items, kalimitang kakulangan ng sangkap, at ang mga ‘di inaasahang kalamidad sa rehiyon. Bilang tugon, hinikayat ng SFP ang mga lokal na pamahalaan na higit pang suportahan ang mga CDCs sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa storage facility, libreng service vehicles, pagtataguyod ng Gulayan sa bawat Center, karagdagang suplay, at kahalagahan ng mga opisyal na laging handa sa anumang hamon. Gayundin, ang mga naging epekto ng mga nagdaang kalamidad sa implementasyon noong 2025 ay nagsilbing batayan sa paghahanda at pagpapatuloy ng programa.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng Transfer of Funds (TOF) Mode of Implementation, kung saan tungkulin ng DSWD FO 1 na isalin ang pondo sa mga LGU batay sa taunang alokasyon na nakasaad sa inaprubahang panukalang proyekto. Kaugnay nito, obligasyon ng LGUs na  tiyakin ang wastong paggamit at pananagutan sa pondo kaakibat ng  pagsusumite ng monthly partial liquidation at mga kaukulang dokumento ayon sa sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA) na siyang sisiyasatin ng DSWD FO 1. Ito ay alinsunod sa mga probisyong nakasaad sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng mga stakeholders sa naganap na Learning and Developmental Intervention (LDI) for Local Government Stakeholders Cum Memorandum of Agreement (MOA) Signing on the SFP Implementation for CY 2026-2028 noong Oktubre 2025.

Dagdag pa rito, pinangunahan ni Ms. Wylibeth Lumpias-Binayan, Nutrition Officer II ng National Nutrition Council Region I, ang talakayan ukol sa Philippine Integrated Management of Malnutrition (PIMAM). Layunin ng pagtalakay na palawakin ang kaalaman ng stakeholders patungkol sa papel ng PIMAM at ugnayan nito sa programa, kung saan, ang mga batang may Moderate Acute Malnutrition (MAM) ay partikular na tinutugunan ng SFP, habang ang mga batang may Severe Acute Malnutrition (SAM) na matutukoy ng programa ay isasangguni sa PIMAM.

Ang mga nabanggit na tagumpay, maging mga hamong naranasan, kabilang na ang koordinasyon ng mga stakeholders at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya, ay nagsisilbing mga patunay na umuunlad at epektibo ang programa na nagpapabuti ng nutrisyon ng mga batang kulang sa timbang sa rehiyon. Gayunpaman, kailangan pa rin ng patuloy na pagpapahusay upang mas mapatatag ang pangmatagalang epekto nito sa seguridad ng nutrisyon ng bawat batang Pilipino. (DSWD FO 1 – Ilocos Region)