Muling nakibahagi ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP)  sa isinagawang malawakang Job Fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa anim na lokasyon sa Rehiyon Uno bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128th Araw ng Kalayaan noong June 12, 2026. 

Umabot sa 137 employers mula sa pribadong sektor ang nagtipon-tipon para magbukas ng local at overseas job opportunities para sa 2,697 na kwalipikadong registered job seekers upang makahanap sila ng disente at matatag na trabaho na angkop sa kanilang kakayahan. 

Bilang suporta, nagtalaga ang DSWD FO 1 SLP ng mga kawani ng programa kada Job Fair venue para magsagawa ng Eligibility Assessment at Profiling sa mga Hired on the Spot (HOTS) applicants. Ito ang mechanismong ginagamit para matukoy ang mga kwalipikadong HOTS applicants na makakatanggap ng tig-Php7,000.00 karagdagang suporta sa ilalim ng Employment Facilitation (EF) Track  ng programa. Magagamit nila ito para magpproseso ng kanilang mga pre-employment requirements.

Ayon sa datos ng DOLE, 442 ang naitalang HOTS applicants sa buong rehiyon. Mula sa bilang na ito, 237 ang sumailalim sa masusing assessment ng SLP at 150 ang naitalang kwalipikado para sa nasabing interbensyon.

Isa na dito si Jovelle Cacanta Dacalcap, dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) monitored child mula sa San Jose, Rosario, La Union na alas otso pa lamang ng umaga ay matiyaga nang nakapila sa SM City La Union dala ang pag-asang uuwi siyang may magandang balita sa kanyang pamilya.

“Labis po akong natutuwa dahil isa po ako sa mga mapalad na natanggap sa trabaho sa araw na ito. Maraming salamat po sa DSWD sa patuloy na suporta sa aming mga dating 4Ps beneficiaries at sa pag-uugnay sa amin sa mga trabahong pwede naming applyan” , aniya.

Sa kabuoang bilang ng HOTS sa buong Rehiyon, 12 na dating 4Ps monitored children ang natanggap sa trabaho at kwalipikadong makakatanggap ng employment assistance mula sa SLP. Patunay ito na hindi natatapos sa 4Ps Graduation ang tulong ng Kagawaran sa mga 4Ps beneficiaries kundi maging sa pag-uugnay sa kanila sa trabaho upang tuluyan nang makatawid mula sa kahirapan.

Bukod sa Job Fair, nagkaroon din ng One-Stop Shop ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Social Security System (SSS), PhilHealth at iba pa, upang mai-proseso ng mga HOTS applicants ang kanilang mga pre-employment documents.

Nagsagawa rin ng Kadiwa ng Pangulo na pinangunahan ng Department of Trade and Industry kung saan labindalawang SLP Associations (SLPA) sa probinsya ng Ilocos Norte ang nakapagbenta ng kanilang mga sariwang produktong gulay at prutas.

Sa pagtatapos ng aktibidad, bagong pag-asa ang dala ng mga aplikanteng mapalad na natanggap sa trabaho. Umaasa silang ang bagong simulang ito ang magiging tulay tungo sa mas magandang kinabukasan ng kanilang mga pamilya.