Matagumpay na isinagawa ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP) ang Ceremonial Turnover of Served SLP Associations (SLPAs) in Conflict- Affected and Vulnerable Areas (CVAs) sa apat na Local Government Units (LGUs) sa lalawigan ng Ilocos Sur noong June 10-11, 2026.
Bahagi ito ng patuloy na pagsulong ng inklusibo at pangmatagalang kapayapaan sa ilalim ng implementasyon ng Executive Order No. 70, Series of 2018. Kabilang ang DSWD sa mga ahensya ng pamahalaan na bumubuo sa National at Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (N/RTF-ELCAC) na may layuning magbigay ng komprehensibong tulong sa mga benepisyaryo mula sa mga natukoy na Vulnerable at Conflict-Affected Areas.
Sa inisyatibang ito, naging pangunahing tungkulin ng Kagawaran ang maghatid ng matatag na kabuhayan sa mga benepisyaryo.
Sa Ilocos Sur, 10 SLPAs na binubuo ng 237 na miyembro mula sa mga bayan ng Narvacan, Galimuyod, Salcedo, at Nagbukel ang nakatanggap ng tig-Php300,000.00 Livelihood Settlement Grant (LSG) kada asosasyon bilang panimulang kapital noong 2022 at 2024.
Sa loob ng labingwalong buwan na monitoring ng SLP, sumailalim sila sa iba’t ibang pagsasanay kagaya ng Bookkeeping, Financial Literacy, at Microenterprise Development Trainings para mapaunlad pa ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo at bilang paghahanda na rin sa pagsisimula ng kanilang kabuhayan.
Sa mga panahong ito, nagsagawa rin ng quarterly monitoring ang mga kawani ng DSWD FO 1 SLP sa mga SLPAs. Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na progreso ng kanilang mga kabuhayan gayundin ang pagtukoy sa mga problemang kinakaharap nila at agarang solusyon para dito.
Sa determinasyon ng bawat kasapi ng asosasyon at tamang paggabay mula sa DSWD FO 1, naging sustenable at napalago nila ang kanilang mga negosyo na nakatuon sa hog raising and fattening, chicken egg layering, rice retailing and agriculture supply, at General Merchandise.
“Sa umpisa mahirap, pero tuloy-tuloy lang kami. Ngayon nakakatulong na rin ang aming General Merchandise sa mga kabarangay namin. Hindi na nila kailangang pumunta sa bayan para bumili ng mga mga pang-araw-araw nilang pangangailangan,” ani Ligaya A. Tabile, Sige Legaspi SLPA President.
Bukod sa kabuhayan, naging daan din para sa mga miyembro ang ganitong programa ng pamahalaan para magkaroon ng mas maayos at payapang pamumuhay ang kanilang komunidad
“Dumaan man kami sa mga pagsubok, muli kaming nakabangon dahil sa kabuhayang binigay sa amin. Ngayon, nagsusumikap kaming palaguin pa ito kasabay ng sama-samang pagpapanatili ng kaayusan sa ang aming lugar,” ani William B. Mangay-ayam, Lucpig Farm SLPA President.
Para tuloy-tuloy ang nasimulang pagbabago sa buhay ng mga SLPAs, malugod na tinanggap ng mga Lokal na Pamahalaan ang mahalagang tungkulin para ipagpatuloy ang monitoring sa kanila. Sa turnover ceremony, pormal na iniabot sa mga LGUs ang Sustainability Plan at iba pang mahahalagang dokumento ng mga SLPAs. Ito ang magsisilbing batayan nila sa mga susunod na hakbang at inisyatibang maari nilang gawin para maging mas progresibo ang kabuhayan ng mga asosasyon.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng suporta si Salcedo Mayor Ninya Grazielle Gironella-Itchon.
“Kung kailangan niyo ng trainings para mas mapalago pa ang pondong naibigay sa inyo ay nakahanda kaming tumulong,” aniya.
Bukod sa pasasalamat sa suporta at tulong na ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan, binigyang diin ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan ang kahalagahan ng kapayapaan sa tagumpay ng isang komunidad at hinikayat ang mga SLPAs na higit pang palaguin ang kanilang mga kabuhayan.
“Isang katangian ng maasensong lugar ay ang pagkakaroon ng kapayapaan sa kapaligiran. Kung hindi payapa at maayos ang komunidad, hindi po tayo makakausad sa ating mga pinagkakakitaan,” ani Dir. Gopalan.
Sa pamamagitan ng turnover ceremony, higit na napagtitibay ang papel ng mga LGUs sa pagbibigay ng gabay sa mga SLPAs na pamanatili at mapalago ang kanilang mga kabuhayan tungo sa mas matatag, mapayapa, at maunlad na komunidad.

