
Ipapatupad na ngayong Hunyo ang 180 na araw na pagbibigay ng hot meals sa ilalim ng DSWD Supplementary Feeding Program (SFP) para sa 93,422 na mga batang mag-eenroll sa 3,590 na Child Development Centers (CDCs) at 21 na Supervised Neighborhood Play (SNP) na pinapatakbo ng mga Lokal na Pamahalaan sa Rehiyon Uno.
Mula sa target beneficiary na 93,422, 9,562 ay mula sa probinsya ng Ilocos Norte; 13,431 sa Ilocos Sur; 15,083 sa La Union; at 55,346 naman sa Pangasinan.
Ayon kay DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) Regional Supplementary Feeding Program Unit (RSFPU) Head Naressa Garvida – Aguinaldo, maliban sa mainit na pagkain o hot meals na ibibigay ay may milk feeding din para sa 6,721 target beneficiaries ang programa.
“Iyong mga areas na maraming undernourished children, iyon ang nabigyan ng Department ng allocation on milk feeding,” ani pa ni SFP Head Garvida.
Sa apat (4) na probinsya sa Rehiyon Uno, ang priyoridad na probinsya para sa milk feeding ay ang Pangasinan lamang na base sa resulta ng nutritional status ng mga Day Care Children noong nakaraang taon.
Ang top 5 na mga bayan sa Pangasinan na may pinakamataas na target para sa milk feeding ay ang mga bayan ng Sison (280), Bayambang (260), Mapandan (245), Mangatarem (230), at Umingan (230).
Ngayong taon, naisagawa na ang paglipat ng kabuoang pondo na PhP280,266,000.00 sa mga Lokal na Pamahalaan sa Rehiyon Uno para sa pagbili ng mga masusustansyang sangkap na kailangan sa hot meals o mga alternatibong produktong pagkain tulad ng Nutribun, Nutripacks, at iba pang produktong pagkain na dinebelop ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) para sa loob ng 120 araw.
Habang ang pagkain para sa natitirang 60 araw na may pondong PhP140,133.000.00 at fresh milk na may pondong PhP26,615,160.00 ay dadaan naman sa procurement process ng DSWD FO 1.
May karagdagan ding interbensyong ginawa o ibinigay ang ahensya sa 146 na mga batang natukoy na hindi nakaabot sa tamang timbang pagkatapos ng feeding program noong 2025. Mula sa 146 na isinangguni sa iba pang programa at serbisyo ng DSWD, 49 sa kanila ang nabigyan na ng tulong pinansyal sa ilalim ng DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para pandagdag sa pagbili ng mga bitamina at masusustansyang pagkain ng mga Day Care Children. Samantalang ang natitirang 97 ay kasalukuyang dumadaan sa proseso ng assessment ng AICS at ng DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ang SFP na programa ng DSWD na nakatuon sa nutrisyon ng mga batang naka-enroll sa mga CDC at SNP ay nagsisilbing kontribusyon ng Kagawaran sa pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for Nutrition alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa pagkamit ng Sustainable Development Goal No. 2 o ang Zero Hunger ng United Nations. (by: DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
