Pinatunayan ng pitong (7) Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa Region 1 na ang pamumuhunan ng Programa sa edukasyon ay may konkretong resulta. Ito ay mas lalong pinatotohanan matapos makapagtala ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ng pinakamaraming bilang ng 4Ps topnotchers sa isang Licensure Examination mula sa resulta ng March 2026 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) Elementary at Secondary Level.
Sa pinakahuling resulta, malinaw na makikita ang ambag ng mga dating 4Ps beneficiaries sa hanay ng mga topnotchers. Sa kabuoang 72 4Ps topnotchers sa iba’t ibang rehiyon, pito ay mula sa Region 1 na lahat ay tubong Pangasinan.
Sa Elementary Level, Top 3 si Chester Paul Zius O. Padilla mula Arwas, Bani na may markang 94.40%. Si Jemby M. Magpali ng San Joaquin, Balungao naman ay pumasok na Top 8 sa kanyang 93.20%. Sa Secondary Level, angat ang galing ng 4Ps dahil tatlong 4Ps beneficiaries ang Top 6 na may parehong markang 94.00% — sina Jomare S. Repalda mula Buer, Aguilar, Angelo O. Vino mula Agno, Tayug, at Jessebel U. Caagusan mula Binabalian, Bolinao. Dagdag pa rito, nakuha ni Nora B. Palacielo mula Calzada, Mabini ang Top 9 sa markang 93.40% at Top 10 naman si Francis Kim R. Penuliar mula Bolo, Labrador na may 93.20%.
Hindi ito isang biglaang tagumpay. Mula sa kauna-unahang 4Ps topnotcher sa Region 1 noong 2017, nasundan ito ng tuluy-tuloy na pagdami: isa (1) noong 2022, walo (8) noong 2023, dalawa (2) noong 2024, siyam (9) noong 2025, at ngayong taon, sampu (10) na ang naitalang topnotchers sa unang semestre pa lamang. Sa kabuoan, umabot na sa 31 ang bilang ng 4Ps beneficiaries sa Region 1 na naging topnotchers sa iba’t ibang propesyon. Ito ay isang malinaw na indikasyon na unti-unti nang naisasakatuparan ang layunin ng Programa sa pamamagitan ng human capital investment sa bawat pamilyang nasa laylayan.

Bagama’t tulong sa edukasyon at pangkalusugan lamang ang ganap na natutugunan ng 4Ps cash grants ng mga 4Ps family, nananatiling mahalaga ang papel ng Family Development Sessions (FDS) sa paghubog ng pananaw ng bawat miyembro ng pamilya. Sa pamamagitan ng FDS, mas nauunawaan ng mga magulang ang kanilang mahalagang papel sa edukasyon ng kanilang mga anak, habang naitatatak naman sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pag-aaral bilang daan tungo sa mas magandang kinabukasan.
Sa huli, ang tagumpay ng 4Ps topnotchers ay hindi lamang bunga ng Programa, kundi pinagsamang suporta mula sa lokal na pamahalaan, eskwelahan, kabilang ang iba pang sangay ng gobyerno at pribadong sektor at higit sa lahat, ng kanilang pamilya na nagsakripisyo at nanindigan upang mapagtapos ang kanilang kapamilya.#
