Hindi kahinaan ang pagiging solo parent kundi isang anyo ng katatagan. Patunay dito si Reyna Grace Caras, dating nurse at OFW mula Anda, Pangasinan na piniling manatili sa bansa upang makasama ang kanyang anak. Sa loob ng 12 taon, iba’t ibang hirap at hamon ng buhay ang kanyang hinarap bilang ina at ama sa kanyang anak, ngunit sa halip na ito’y maging hadlang, ito’y nagsilbing inspirasyon niya.
Taong 2024 nang maging benepisyaryo siya ng Social Technology (SocTech) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan isinagawa sa kanilang bayan ang pilot implementation. Isa siya sa 30 na unang mga benepisyaryo ng Program SOLo o Strengthening Opportunities for Lone Parents.
Ayon kay Rachel Granados, DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) Social Welfare Officer II, ang Program SOLo ay bunga ng masusing pag-aaral at pakikipag-ugnayan lokal na pamahalaan at mga solo parent upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
“Sinimulang buoin ang konsepto ng Program SOLo noong 2023. Nagsagawa kami ng mga focus group discussion kasama ang mga solo parent upang mas maunawaan ang kanilang mga pangangailangan at kung ano ang maaaring maging anyo ng programa para sa kanila. Na-finalize ang disenyo nito at isinailalim sa pilot implementation noong 2024, kung saan kabilang ang Anda sa mga napiling lugar dito sa Region 1,” aniya.
“Sa aming mga assessment, nakita namin na maganda ang naging epekto ng Program SOLo. Marami sa kanila ang nagsabing mas lumawak ang kanilang kamalayan sa sarili at natutunan nilang tanggapin at ipagmalaki na sila ay solo parent, sa kabila ng umiiral na stigma sa kanilang komunidad. Bukod dito, mas mapabuti rin ang kanilang komunikasyon at ugnayan sa kanilang mga anak,” dagdag pa niya.
Pinatotohanan naman ito ni Reyna na ayon sa kanya ay natutuhan niyang harapin ang diskriminasyon at patatagin ang kanyang loob.
“Dati, nakaranas ako ng diskriminasyon. Pero sa pamamagitan ng mga activities at discussions, natutunan ko kung paano magpatuloy at muling bumangon. Tumatak din sa puso ko na ako pala ay isang tao na dapat marunong itaas ang sarili sa kabila ng mundong mapanghusga,” ani Reyna Grace.
Higit pa sa kanyang natutuhan sa mga activities at discussions, natulungan din si Reyna Grace na magkaroon ng pangkabuhayan sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP), kung saan ay nakatanggap siya ng Php15,000.00 na siyang kanyang ginamit na panimula sa kanyang Sari-Sari Store.
Sa aktibong pakikilahok at pamamahala naman ng Local Government Unit (LGU) ng Anda, Pangasinan, marami nang Solo Parent ang natulungan. Layunin pa nilang mas paigtingin ang programang ito sa pamamagitan ng pag-adopt ng mga bagong estratehiya upang mas mapahusay pa ang serbisyo para sa kanila.
“Plano naming i-replicate ang Program SOLo, kasi nakita namin ang kagandahan ng programa na malaki ang maitutulong nito sa 200 na active Solo Parents natin sa Anda. Kailangan naming magdevelop, mag-innovate, makipag-partner, para lalo namin silang maabot at makapagbigay ng karampatang tulong sa kanila,” ani Jowey Celzo, Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Anda.
Dagdag pa niya na sa pamamagitan ng programa ay nakahanap ng suporta ang bawat isa sa kanila hindi lamang sa gobyerno, kundi sa sa bawat Solo Parent ng Anda.
“Unang-una naturuan sila kung paano sila mamuhay bilang mga Solo Parent, at nagkaroon sila ng support system, hindi lamang sa gobyerno kundi sa kanila mismong mga Solo Parent, lalo na pati sa mga anak nila, nagkaroon sila ng maayos na ugnayan, at nagkaroon sila ng maayos na pananaw kung paano mag survive bilang mga solo parent at nakita nila na mayroon palang tulong na maibibigay ang gobyerno,” pagbabahagi ni MSWDO Celzo.
Ilan lamang ito sa mga patunay na sa kabila ng mga pagsubok, ang lakas ay hindi lamang hinuhugot mula sa sarili kundi mula rin sa kapwa na higit pang pinatatatag ng sama-samang pagbangon, pakikinig, pag-unawa, at pagdadamayan. (DSWD FO 1 – Ilocos Region)

