Umarangkada na ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng Cash Relief Assistance (CRA) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) para sa mga tsuper ng tricycle sa tatlumput walo (38) munisipalidad sa rehiyon.
Tinatayang 22,210 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-PhP5,000.00 na may kabuoang halagang PhP101,060,000.00. Layunin ng programang ito na maibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa sektor ng transportasyon.
Kasunod ng matagumpay na pamamahagi sa mga lungsod, sinimulan ang payout sa mga munisipalidad noong April 16, 2026. Pinangasiwaan ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan ang distribusyon sa Manaoag at Mangaldan, Pangasinan upang matiyak ang maayos at mabilis na daloy ng pamamahagi ng tulong para sa mga tricycle driver na kabilang sa mga benepisyaryo ng programa. Kasabay nito, tumanggap din ng CRA ang mga TODA driver sa Burgos, Ilocos Norte; Naguilian, La Union; at sa mga bayan ng San Fabian, San Jacinto, Binalonan, at Asingan sa Pangasinan.
Sinundan ito ng pamamahagi sa Mapandan at Sta. Barbara noong April 20 upang agad na mapakinabangan ng mga tsuper ang tulong.
Pagpasok ng ikalawang serye, nagpatuloy ang payout sa mga bayan ng Banayoyo, Lidlidda, Nagbukel, at Santa sa Ilocos Sur; Santo Tomas sa La Union; at sa Alcala, Bautista, Calasiao, Natividad, San Nicolas, San Quintin, Santa Maria, Santo Tomas, at Tayug sa Pangasinan noong April 24. Matagumpay ding naihatid ang tulong sa Adams at Dumalneg sa Ilocos Norte; Magsingal, San Ildefonso, at San Juan (Lapog) sa Ilocos Sur; Luna, Sudipen, at Aringay sa La Union; at Villasis, Pangasinan na may pinakamataas na bilang ng benepisyaryo noong April 27. Samantala, nagpatuloy ang pamamahagi sa Badoc at Marcos sa Ilocos Norte, gayundin sa San Gabriel at Bacnotan sa La Union noong April 28.
Sa kabila ng init ng panahon at hirap ng buhay sa kalsada, mababakas ang galak at ginhawa sa mukha ng mga TODA driver. Ang bawat pisong natanggap ay itinuturing nilang malaking tulong upang maitaguyod ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at gasolina.

Hindi napigilan ni Aling Cecilia Bascos, 68 taong gulang at 12 taon nang TODA driver sa Villasis, Pangasinan ang maging emosyonal nang matanggap niya ang tulong mula sa DSWD. Aniya ay pandagdag niya ito sa gastusin, lalo na ngayong bakasyon kung kailan kakaunti ang pasahero at pihadong liliit ang kanyang kita. Umaasa rin siya na magpapatuloy ang ganitong tulong para sa kanilang mga nangangailangan.
Ganoon din ang ibinahagi ni Leandro Soriano mula Manaoag na aminadong nahihirapang tustusan ang pangangailangan ng pamilya dahil sa matumal na pasada. “Malaking tulong na po ito para sa pangdagdag sa gastusin at pangangailangan ng aking pamilya,” aniya.
Samantala, para sa 19-anyos na working student at tricycle driver na si Patrick G. Dugosman mula sa Mangaldan, ang natanggap na cash relief assistance ay magsisilbing suporta sa kanyang pag-aaral. “Gagamitin ko po ito para sa mga bayarin sa eskwela sa susunod na school year,” saad niya.
Ang mga salitang ito nina Aling Cecilia, Mang Leandro, at Patrick ay sumasalamin sa libu-libong TODA driver na nabigyan ng panibagong pag-asa. Para sa kanila, ang bawat tulong na ipinaabot ng pamahalaan ay higit pa sa materyal na halaga—ito ay pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa komunidad na kailangang iangat mula sa hamon ng kagipitang hindi naman nila likha.
Samantala, upang matiyak ang organisadong proseso, nagtayo ang ahensya ng mga LGU-DSWD Help Desk sa bawat payout site. Nagsisilbi itong sentro ng impormasyon kung saan maaaring magtanong at magpaliwanag ang mga benepisyaryo, bilang bahagi ng pagpapanatili ng integridad at kalinawan ng programa.
Binigbigyang diin ng DSWD na hindi pinapayagan ang substitution para sa mga hindi nakadalo sa itinakdang schedule. Ang mga hindi nakuhang CRA ay mananatili sa pangangalaga ng ahensya hanggang sa makapaglabas ng bagong abiso para pag-claim nito. Pinayuhan din ang mga lehitimong benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan para sa karagdagang gabay.
Ang CRA ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng DSWD na magbigay ng agarang tulong sa mga vulnerable sector. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na walang tsuper ang maiiwan sa paghahatid ng serbisyo.
