Minsan, isang simpleng ideya lamang ang kailangan upang mabago ang takbo ng buhay at mapanatili ang yaman ng ating kultura.
Para sa 4Ps Furniture Makers SLPA, isang samahan ng 16 na aktibo at dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Pugo, La Union, naging tulay ang tulong ng pamahalaan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) upang muling buhayin ang kanilang tradisyunal na pangkabuhayan.
Hindi naging madali ang simula ng kanilang kwento. Bawat miyembro ay dumaan sa hirap ng buhay at araw-araw na nag-aalala kung saan kukuha ng panustos sa pag-aaral at kalusugan ng kanilang mga anak.
Kaya naman malaki ang kanilang pasasalamat na minsan silang naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ngunit hindi rito nagtapos ang kanilang paglalakbay. Sa halip, naging simula ito ng pagbabagong unti-unting nagbigay ng bagong pag-asa sa kanilang buhay.

Mula sa iba’t ibang pamilyang nangarap, pinag-isa sila ng DSWD FO 1 upang bumuo ng isang SLP Association (SLPA). Sa tulong ng mga pagsasanay sa pamamahala ng pera at negosyo, ang mga dating tumatanggap ng ayuda ay pormal nang naging mga entrepreneurs at artisan.
Isang mungkahi mula sa miyembrong si Jogie Estrada ang nagbigay direksyon sa grupo—isang hakbang na nakaugat sa kanilang sariling pinagmulan.
“Ang furniture making ay matagal nang negosyo ng aming pamilya at ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan. Ang aming mga ninuno ay gumagawa rin noon ng maliliit na wood carving sa Baguio. Kaya naisip kong pagsamahin ang mga ideyang ito upang subukan bilang kabuhayan ng aming samahan,” ani Estrada.
Upang masigurong magiging matatag ang kanilang pangkabuhayan, nakatanggap ang samahan ng puhunan na nagkakahalaga ng PhP320,000.00 mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office 1. Ginamit nila ito sa pagbili ng mga de-kalidad na kahoy tulad ng mahogany at narra, gayundin ng mga kagamitang kailangan sa pagpupulido ng kanilang mga produkto.
“Napakalaking tulong po ng DSWD sa amin dahil nagkaroon kami ng puhunan para makapagsimula. Kung hindi po dahil sa tulong na ito, hindi namin mabubuo ang aming furniture business,” pagbabahagi naman ni Rubelina Basallo, isa sa mga miyembro.
Dahil sa pagiging malikhain, nakakagawa ang SLPA ng mga produktong gaya ng mug holder, cell phone stand, at kanilang natatanging elephant table mula sa mga tinabas na piraso ng kahoy na unti-unti nang nakikilala sa kanilang lugar. Subalit hindi naging madali ang kanilang pagpasok sa merkado kaya kinailangan nilang pairalin hindi lamang ang husay sa paggawa kundi maging ang disiplina sa pamamahala ng kanilang kinikita.
Sa halip na agad paghatian ang perang kinikita, nagpatupad ang samahan ng isang maayos na sistema sa pananalapi. Una, nagtitiis muna sila sa maliit na allowance buwan-buwan para sa kanilang pamilya. Ikalawa, ang bahagi ng kita ay ibinabalik bilang operational fund at dagdag-puhunan upang masigurong tuloy-tuloy ang produksyon. At ikatlo, ang natitirang kita ay hinahati pa sa dalawang mahalagang ipon: ang pondong nakalaan para sa kanilang taunang dividend at ang hiwalay na pondong gagamitin sa pagbili ng mga karagdagang kagamitan. Sa pamamagitan nito, target ng samahan na sa hinaharap ay sila na mismo ang gagawa at bubuo ng buong furniture nang hindi na umaasa sa mga supplier sa labas.
Para sa kanilang grupo, ang furniture-making ay hindi lamang simpleng pagkakakitaan—isa rin itong paraan upang maipagpatuloy at mapangalagaan ang kasanayang minsang natutunan mula sa mga nakatatanda. Ibinahagi ni Rubelina na maging ang kaniyang anak ay unti-unti nang nagkakaroon ng interes sa sining na ito.
“Mahilig pong manood ang anak ko kapag gumagawa kami. Nakikita niya kung paano magliha at mag-pulido ng kahoy. Minsan ginagaya niya rin ang ginagawa namin,” galak at sigla sa kanyang tinig habang ikinukuwento niya ito.
Ang kwentong ito ng 4Ps Furniture Makers SLPA ay isa sa mga kwentong sumasalamin sa selebrayon ng National Heritage Month, na ang pamana ng kultura ay hindi lamang nakikita sa mga istraktura at tradisyon, makikita rin ito sa mga heritage livelihood na patuloy na nagbibigay ng kabuhayan at pag-asa sa bawat pamilya.
Bilang isang capacity-building program ng ahensya, patuloy ang DSWD FO 1 SLP sa pagbubukas ng mga oportunidad sa mga SLPAs sa pamamagitan ng mga sustenableng kabuhayang magtataguyod sa kanila tungo sa mas maayos na kinabukasan.
