Binisita ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Office of the Presidential Assistant for Northern Luzon (OPANL) ang mga site ng Risk Resiliency Program (RRP) – Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for Impoverished) sa Barangay Lipay Este, San Gabriel, La Union. Pinangunahan ang pagbisita nina DSWD – Disaster Response Management Bureau (DRMB) Director Maria Isabel B. Lanada, Ph.D., at OPANL Assistant Secretary Ana Carmela V. Remigio, kasama ang mga kinatawan ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) at ng lokal na pamahalaan ng San Gabriel, La Union.
Layunin ng aktibidad na makita ang mga naisagawang proyekto para sa posibleng pagpapalawak ng programa, kabilang ang pagtukoy ng mga karagdagang project sites at posibleng funding support para sa implementasyon ng programa sa Northern Luzon.

Bago ang aktwal na pagbisita sa mga project sites, ibinahagi ng mga partner-beneficiaries mula sa Barangay Lipay Este ang kanilang mga karanasan, mga natutunan, mga hamon at tagumpay sa pagpapatupad ng proyekto, at ang naging resulta nito sa kanilang komunidad.
Isa sa mga naibahaging pagsubok ng mga partner-beneficiaries noong nakaraang taon ang pagkasira ng kanilang mga pananim at pagkawala ng kanilang mga inaalagaang isda dulot ng pananalasa ng Bagyong Emong at Bagyong Uwan. Sa kabila nito, kahit wala nang Cash-for-Work (CFW), muli silang nagsimula. Bukod sa pagtatanim at pag-aalaga ng isda, nagdagdag din sila ng isa pang Small Farm Reservoir (SFR) gamit ang mga kaalamang natutunan mula sa pagpapatupad ng proyekto.
Ayon kay Leonor S. Meneses, isa sa mga partner-beneficiaries ng barangay, “Kahit hindi man kalakihan ang naging ani sa aming unang itinanim at inalagaang mga isda, malaking tulong pa rin ito sa amin dahil nagkaroon kami ng dagdag na pagkain, at kaalaman sa pagtatanim at pag-aalaga ng palaisdaan. Sa aming ikalawang pagtatanim, mayroon na kaming mga naani at patuloy pa rin ang aming produksyon, at umaasa kaming magtutuloy-tuloy pa ito.”
Binigyang-diin naman ni Director Lanada ang kahalagahan ng programa sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad upang maging matatag sa harap ng mga hamon ng climate change, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..
Dagdag pa niya, “Sa pagpapatupad ninyo ng Project LAWA at BINHI, inaasahan nating mababawasan ang gutom at kahirapan ng mga Pilipino. Ang isa sa mahalagang naitulong ng proyektong ito ay ang pagbibigay ng kaalaman sa pagtatanim, pag-iimbak ng tubig, at ang kakayahang tiyaking walang magugutom sa inyong pamilya.”
Layunin ng aktibidad na makita ang mga naisagawang proyekto sa ilalim ng RRP – Project LAWA at BINHI para sa posibleng pagpapalawak ng programa, kabilang ang pagtukoy ng mga karagdagang project sites at posibleng funding support para sa implementasyon ng programa sa Northern Luzon.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Assistant Secretary Remigio sa mga pagbabahagi ng mga partner-beneficiaries tungkol sa epekto ng programa sa kanilang buhay at komunidad. Aniya, “Sa pamamagitan ng inyong dedikasyon, ang mga pasilidad sa tubig at mga taniman na itinayo ay hindi lamang panlaban sa epekto ng nagbabagong klima, kundi simbolo rin ng ating sama-samang pagsisikap para sa seguridad sa pagkain at mas matatag na kabuhayan. Nagpapasalamat kami sa LGU ng San Gabriel sa walang sawang paggabay sa ating mga benepisyaryo, at higit sa lahat, saludo kami sa ating mga magsasaka at mangingisda dahil ang inyong mga kamay ang nagbibigay-buhay sa proyektong ito.”
Isa ang San Gabriel, La Union sa mga naunang nagpatupad ng programa mula pa noong 2024. Mula noon, umabot na sa 680 partner-beneficiaries ang natulungan ng programa sa bayan, kabilang ang 250 partner-beneficiaries ngayong taon.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng DSWD FO 1 sa mga lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies at opisina ng pamahalaan, layunin ng Kagawaran na higit pang mapalakas ang implementasyon ng mga programang nakatutok sa climate adaptation, food security, at community resilience sa mga bulnerableng komunidad sa Rehiyon Uno. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
