Isa sa mga mandato ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tiyakin ang implementasyon ng social protection at ang agarang paghahatid ng tulong sa mga indibidwal, pamilya, at komunidad na naapektuhan ng kalamidad. Upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng Kagawaran sa disaster preparedness at response, patuloy na pinalalawak ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ang pakikipagtulungan nito sa iba’t ibang Civil Society Organizations (CSOs) at academic institutions sa Rehiyon.
Sa pangunguna ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga bagong partner ng Kagawaran na kinabibilangan ng Fraternal Order of Phanters Inc., United Citizen Crime Watch, Inc., Federated Tricycle Association of Laoag City, Motorcycle Philippines Federation 128 Inc., Data Center College of the Philippines sa lalawigan ng Ilocos Norte, at The Unified Tricycle Riders Club Philippines, Inc. sa Ilocos Sur.

Layunin ng partnership na madagdagan ang mga katuwang ng Kagawaran sa paghahanda bago ang kalamidad at matiyak ang mas mabilis na paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga indibidwal at pamilyang apektado ng sakuna. Sa pamamagitan ng kanilang volunteer service, madadagdagan pa ang manpower ng DSWD FO 1 sa mga gawaing tulad ng loading at unloading ng Food and Non-Food Items (FNFIs), reconditioning at inspeksyon ng mga ito, at paglilinis at pagsasaayos ng mga warehouse. Ang mga gawaing ito ay makakatulong lalo na sa regional warehouse at sa mga relief prepositioning areas sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Matatandaang noong nakaraang taon, nagkaroon ng apat na partner-volunteers ang DSWD FO 1 na hanggang ngayon ay katuwang ng Kagawaran sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo sa rehiyon.
Patuloy rin ang pakikipagpartner ng Kagawaran sa mga opisina, organisasyon, at grupo na nagnanais maging partner-volunteer ng DSWD FO 1 upang higit pang mapalakas ang disaster preparedness at response efforts sa rehiyon. Ipinapakita ng ganitong mga partnership na ang tunay na katatagan ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos at pagtutulungan ng pamahalaan, mga organisasyon, at mamamayan.
Para sa mga nais maging partner-volunteer ng DSWD FO 1, maaaring makipag-ugnayan kay Rosemarie V. Laxina, Administrative Assistant III ng Disaster Response Management Division (DRMD) – Regional Resource Operations Section (RROS) sa numerong (072) 687 – 8000 loc. 11208 o email address na rros.fo1@dswd.gov.ph.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Buong Bansa Handa Program na naglalayong tiyakin ang kahandaan at maagap na pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
Related posts:
https://www.facebook.com/share/p/17myw2e8Rv/
https://www.facebook.com/share/p/1DhkbjX28Q/
https://www.facebook.com/share/p/1EDcSMbSWZ/
https://www.facebook.com/share/p/1GT6LxBA8o/
https://www.facebook.com/share/p/1DDUWkCrEz/
https://www.facebook.com/share/p/18NmRYsXDu/
