“Malaking tulong ito dahil bawas na sa gastos [sa pagpapaload] at magagamit pa sa online class at research.”
Ito ang ibinahagi ni Myrafe Rodriguez, isa sa mga tumanggap ng Bayanihan SIM cards mula Barangay Sibsibbu na isa sa pinakamalayong barangay sa San Emilio, Ilocos Sur. Ayon din sa kanya, nahihirapan sila sa online classes dahil kailangan pa nilang gumastos para sa regular na pagpapaload para sa internet data.
Bilang tugon sa ganitong pangangailangan, nakipagsanib-pwersa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 1 sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Division, upang maisakatuparan ang JuanSIM ng Bayan – Bayanihan SIM Project. Layunin ng programang ito na mapalawak ang digital connectivity ng mga 4Ps beneficiaries, lalo na sa liblib o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Sinimulan ang distribusyon noong April 6, 2026 sa mga bayan ng Quirino, San Emilio, Salcedo, Candon City, at Alilem sa Ilocos Sur. Kaagad itong sinundan sa mga bayan ng Pasuquin, Vintar, Nueva Era, Pinili, at Badoc sa Ilocos Norte, pati na rin sa Mangatarem sa Pangasinan. Sa kabuoan, 492 na 4Ps beneficiaries mula GIDA ang nabigyan ng Bayanihan SIM cards.
Ang bawat Bayanihan SIM cards ay may kasamang 25 gigabytes (GB) na data kada buwan sa loob ng isang taon. Ang hindi nagamit na data ay mag-e-expire sa katapusan ng bawat buwan at mapapalitan ng panibagong 25GB sa susunod na buwan.

Batid ng lahat ang kahalagahan ng internet sa kasalukuyang panahon. Ayon kay DSWD FO 1 4Ps Division Chief Rosalyn L. Descallar, “Hindi kami nag-atubiling suportahan ang inisyatiba ng DICT na maibahagi ang JuanSIM ng Bayan Program. Naniniwala kasi ako na ang internet ay hindi na lamang isang luho, kundi isang mahalagang pangangailangan upang mapabilis ang mga transaksyon, mapalawak ang kaalaman ng mga estudyante, at makapagbukas ng mas maraming oportunidad.”
Kapansin-pansin ang tuwa at pasasalamat ng mga benepisyaryo dahil malaking bawas sa kanila ito sa kanilang buwanang gastusin.
Isa sa mga nakatangap ng Bayanihan SIM card ay si Tatay Ramil J. Galinato, sabi niya, “Dakami ket agkurkurang iti kabaelan a manggatang ti load nu maminsan gapu iti rigat ti panagbiag. Dakkel ti maitulong daytoy nga proyekto ti DSWD ken DICT kadagiti ubbingmi. Napateg daytoy nangruna iti panangsuporta iti panagbasa ken panagaramid dagiti projects dagiti ubbing. Isu agyaman kami la unay iti daytoy nga naipaay kadakami a marigrigat (Kami ay kapos sa kakayahang makabili ng load kung minsan dahil sa hirap ng buhay. Malaki ang maitutulong ng proyektong ito ng DSWD at DICT para sa aming mga anak, lalo na sa kanilang pag-aaral at paggawa ng mga proyekto. Lubos ang aming pasasalamat sa tulong na ito).”
Samantala, binigyang-diin ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan ang layunin ng programa: “Hangad ng pamahalaan na matiyak na ang mga nasa malalayong lugar ay may access sa impormasyon. Isa sa pinaka-epektibong paraan ay sa pamamagitan ng internet. Sa tulong ng Bayanihan SIM Project, mas mapapalapit ang mga benepisyaryo sa edukasyon, kabuhayan, at iba pang serbisyong online. Hindi na nila kailangang mamasahe pa sa pagpunta sa mga tanggapan [ng gobyerbo] lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon.”
Pinapangunahan ng DICT ang JuanSIM ng Bayan, Bayanihan SIM Project na naglalayong magbigay ng libreng internet access hindi lamang sa mga 4Ps beneficiaries kundi pati sa mga mag-aaral at guro sa pampublikong paaralan, alinsunod sa itinakdang pamantayan ng DICT.
Ang kolaborasyong ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang digital access at matiyak na walang maiiwan sa patuloy na pag-usbong ng digital transformation sa Pilipinas. #
