“Idi, duwa lang ti imak, ngem itan nagbalinen nga uppat (Dati, dalawa lang ang aking kamay, ngayon apat na.)”
Ganito inilalarawan ni Michelle Padre ang buhay niya ngayon. Dahil bukod sa pagiging asawa at ina, kinakailangan na rin niyang maging lakas, sandigan, at mismong mga kamay ng kanyang buong pamilya.
Ikatlo sa limang magkakapatid, lumaki si Michelle sa Sta. Rosa, Laguna na walang gabay ng magulang. Iniwan sila ng kanilang ama at ina, “Isang sugat na hindi madaling maghilom,” aniya. Bata pa lang, alam na niya ang pakiramdam ng gutom at pagod. Noong siya ay 13, habang ang ibang kaedaran niya ay naglalaro at nag-aaral, siya naman ay nagtitinda sa palengke, nag-aalaga ng bata, o ‘di kaya’y nagtatrabaho sa pabrika.
Hindi niya ginusto ang ganitong klaseng buhay, pero pinili niyang magpatuloy at hindi sumuko. Isinantabi ang sariling kagustuhang makapag-aral upang itaguyod ang kanyang mga kapatid. Ayon kay Michelle, “Masakit iwan ang pag-aaral, pero mas masakit makita ang mga kapatid kong walang makain.”
Sa edad na 20, nakilala niya si Marcelo. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan, naniwala si Michelle na maaari pa ring bumuo ng pamilyang puno ng pagmamahal. Nagpakasal sila noong 2001 at nanirahan sa Barangay Banban, Bangui, Ilocos Norte. Doon nila itinayo ang kanilang bahay gamit ang kawayan, kung kaya’t halos tangayin ito ng hangin tuwing may bagyo. Ngunit ang kanilang pamilya ay mas naging matatag dahil sa pagmamahalan ng buong pamilya.
Biniyayaan sila ng anim na anak. Sila ang kanilang inspirasyon upang patuloy na magsumikap para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Hanggang sa dumating ang isa sa pinakamatinding hamon na sumubok sa kanilang pamilya.
March 30, 2025. Nakuryente si Marcelo habang nagtatrabaho bilang construction worker. Ang aksidenteng nagresulta sa pagkaputol ng kanyang dalawang braso. Noong mga panahon na iyon, ani Michelle, “sa isang iglap, nagbago ang takbo ng aming buhay”.
Dito niya nasambit ang katagang: “Dati, dalawa lang ang aking kamay, ngayon apat na.”
Anim na araw, mula Lunes hanggang Sabado, nagtatrabaho si Michelle sa construction site. Pasan ang mabibigat na materyales, nagbibilad sa matinding sikat ng araw, at tinitiis ang pagod na tila walang katapusan. Sa Linggo, gumagawa siya ng kakanin para may pandagdag kita. Pag-uwi, nag-aalaga siya ng kanyang asawa habang inaasikaso rin ang bunsong anak.
Sa kabila ng mga personal na pinagdadaanan, hindi pa rin nawala ang kanyang papel bilang lider ng komunidad. Dati siyang Parent Leader at Barangay Tanod, mga tungkuling madalas iniuugnay sa kalalakihan ngunit ginampanan niya nang may tapang, disiplina, at malasakit.
Taong 2013 nang sila ay maging Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary. Simula noon, unti-unting nagbago ang kanilang buhay. “Agyamanak unay iti 4Ps (Lubos akong nagpapasalamat sa 4Ps). Si John Benedict ay naghahanda nang magtapos ng Bachelor of Science in Mathematics sa Mariano Marcos State University (MMSU); si John Christopher ay may NC II sa Housekeeping at nagtatrabaho na sa isang gas station; si Irish Joy ay first year college sa kursong Business Administration sa MMSU. At ngayon, sina Genesis at Daryll Dave, dalawa ko pang anak ay 4Ps monitored children. Sila ay nag-aaral sa Banban National High School, Grade 11 at Grade 9,” galak na kwento ni Michelle.
Ang bunso nilang si Bright Timothy ay hindi pa nakakapag-aral dahil sa pagiging hyperactive. Batid ni Michelle na kinakailangan ng anak ng espesyalista, kaya inilapit na niya ito sa Bangui, Ilocos Norte Municipal Social Welfare and Development Office upang masuri sa isang Simulation and Therapeutic Activity Center para sa assessment at maibigay ang naaayong interbensyon.

Ayon sa kanya, sa tulong ng DSWD 4Ps at iba pang programa ng pamahalaan, unti-unting nakakabangon ang kanilang pamilya. Ang mga tulong pinansyal ay naging puhunan niya sa pang-araw-araw na pangangailangan, habang ang Family Development Sessions ay naging gabay sa paghubog ng mas maayos na buhay pamilya at matutunan ang kahalagahan ng pag-iimpok. Dahil dito, nag-enroll siya noon ng insurance para sa kanyang pamilya, kung saan nakatanggap siya ng PhP200,000.00 nang maaksidente ang kanyang asawa, na ginamit sa pagpapagamot, pagpapaayos ng kanilang tahanan, at pagtatayo ng maliit na babuyan.
Sa gitna ng lahat ng ito, si Michelle ay patuloy na lumalaban bilang isang huwarang ilaw ng tahanan.
Sa bawat araw, pinatutunayan niya na bagamat ang buhay ay hindi laging patas, ito ay maaaring mapagtagumpayan.
Ngayong Mother’s Day, si Michelle bilang 4Ps beneficiary, ay paalala sa libo-libong ina ang tahimik na lumalaban araw-araw. Siya ay patunay na kahit gaano kabigat ang buhay, may mga taong pinipiling maging “apat na kamay” para sa pamilya, para sa pag-asa, at para sa patuloy na pagbangon.#
