Matagal na umikot ang buhay ng pamilya ni Marina Oriente sa isang tanong: “Saan kaya ulit kami kukuha ng panggastos bukas?”

Mula sa Barangay Bigbiga, Sudipen, La Union, si Marina at kanyang asawa ay puno ng pangamba kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita para sa pagkain, baon sa eskwela, at iba pang pangangailangan sa pag-aaral ng kanilang tatlong anak.

Walang humpay sa pagkayod ang mag-asawa. Ngunit sa kabila ng kanilang pagsisikap, may mga panahong kapos pa rin. Sila’y nakikisaka lamang, at sa kada-limang buwan bawat siklo ng pagsasaka  ay swerte na umano kung makakaabot ng PhP20,000.00 ang kanilang kita. Bukod dito, naging Barangay Health Worker at Barangay Administrative Assistant din si Marina sa kanilang barangay. Sa kabila ng pagsusumikap, tila mabigat pa din ang pagdadala ng buhay.

“Ang buhay namin noon ay masasabi kong mahirap. Kulang ang kinikita naming mag-asawa para tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya, lalo na ang pag-aaral ng mga bata. Madalas mas pinipili naming unahin ang pagpapakain sa aming mga anak kahit kumakalam ang sikmura naming mag-asawa,” pagbabalik-tanaw ni Marina.

Hindi lang ito simpleng kakulangan, ito ay araw-araw na pagpili kung alin ang uunahin sa isasantabi.

Kilalanin si Marina Oriente, isang inspirasyon na nagpapakitang ang pagbangon ay posible. Mula sa pagtanggap ng tulong, ngayon ay siya nang tumutulong sa kapwa niya benepisyaryo.

Ngunit nagbago ang takbo ng kanilang buhay nang maging bahagi sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2014. Unti-unting napalitan ang pangamba ng pag-asa. Hindi man agad naging magaan ang lahat para sa pamilya, nagkaroon naman sila ng sandigan lalo na para sa edukasyon ng kanilang mga anak.

“Hindi ganoon kalaki ang naibibigay na cash grants ng 4Ps, pero labis ang pasasalamat naming mag-asawa na kami ay naging benepisyaryo nito. Malaki ang naitulong ng programa dahil hindi lamang ito basta tulong pinansyal; dito rin namin natutunan kung paano pa namin mas maisasaayos ang takbo ng aming buhay na itinuturo sa buwanang Family Development Sessions.”

“Sa awa ng Diyos ay nakatapos ng kolehiyo ang panganay namin na si Syrelle at kasalukuyang nagtatrabaho sa LGU Sudipen. Nasa 2nd year college naman ang aking pagalawang anak na si Kenjee. At ang aming bunsong si Niel Sedrict ay kasalukuyang nasa Grade 7,” masayang pagbabahagi niya.

Taong 2023 nang nag-graduate sila sa 4Ps, ngunit hindi doon nagtapos ang laban. Sa halip, doon nagsimula ang panibagong pangarap. Dahil sa kanyang karanasan bilang Parent Leader, nabuo sa kanya ang hangaring makatulong sa iba. Naglakas-loob siyang mag-apply bilang Social Welfare Assistant sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa ilalim ng 4Ps Division at natanggap siya sa parehong taon.

Hindi naging madali ang ang bagong yugto ng pamilya, ang unang assignment niya ay sa Villasis, Pangasinan. Sa bawat gabing malayo siya sa kanyang pamilya, dala niya ang iisang paniniwala na ang sakripisyong ito ay para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.

Nagbunga ito dahil ngayon, si Marina ay na-promote noong July 2025 bilang isang Municipal Link ng 4Ps. Ang programang minsan ay tumulong sa kanya, ngayon ay siya naman niyang  pinaglilingkuran.

“Sa tulong ng nasa Itaas, panatag na ang aming kalooban ngayon dahil alam naming mayroon na kaming sapat na pantustos para sa aming pamilya. Lahat ng mga karanasan at natutunan ko ay palagi kong ibinabahagi sa mga 4Ps families na hawak ko ngayon.”

Dagdag pa niya, “Ang DSWD ang nagbukas ng pinto upang malagpasan namin ang mga hamon ng buhay. Marapat lang na ibalik ko rin sa ibang nangangailangan ang naitulong sa amin.”

Mula sa isang inang araw-araw na nag-aalala kung saan kukuha ng panggastos kinabukasan, si Marina ay nag-level up bilang dating 4Ps na ngayon ay kasama nang tagapagpadaloy ng pagbabago at kaagapay sa pag-abot ng magandang bukas ng kapwa 4Ps families bilang isang Municipal Link.

At sa bawat pamilyang patuloy na lumalaban sa kahirapan, ang kwento ni Marina ay paalala na minsan, ang tulong ay hindi katapusan ng laban, kundi simula ng bagong pagkakataon. #