Bitbit ang pag-asang may maipandagdag sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya, nagtungo sa payout sites at matiyagang pumila ang mga tsuper mula sa apat na lalawigan ng rehiyon upang tanggapin ang tig-Php5,000.00 na Cash Relief Assistance mula sa DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1).
Sa aktibong pakikipagtulungan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region I (LTFRB Region I) naging mabilis ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa limang itinakdang payout sites para sa mga kwalipikadong tsuper mula sa iba’t ibang Jeepney Operators and Drivers Association (JODA).
Isa sa mga tsuper na nakatanggap ng Cash Relief Assistance si Fortunato Reyes mula San Juan, La Union na piniling bumalik sa pamamasada kahit na kulang na kulang ang kanyang kita.
“3
0 years na po akong jeepney driver, may time po na noong nagtaas ng presyo ang krudo ay huminto ako sa pamamasada pero nang unti-unti na itong bumaba ay muli na akong bumalik. Mayroon kaming kinikita na PhP300.00-PhP400.00 sa araw-araw kahit-papaano pero hindi ito sapat. Salamat at mayroon po ito [Cash Relief Assistance],” ani Fortunato.
Kabuoang PhP19,995,000.00 para sa 3,999 jeepney drivers ang naipamahagi na tulong pinansyal sa mga lehitimong JODA drivers noong May 13-20, 2026, sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) bilang bahagi ng pagbibigay suporta ng pamahalaan sa mga tsuper na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Matatandaang unang inilunsad ng DSWD FO 1 noong Abril 8 ang pamamahagi ng Cash Relief Assistance para sa mga tricycle drivers sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa rehiyon bago ito pinalawak para naman sa mga jeepney drivers.
Bagama’t unti-unti nang bumababa ang presyo ng petrolyo, patuloy pa ring nararanasan ng karamihan ang hamon ng mataas na gastusin lalo na sa kanilang kabuhayan. Kaya naman,mananatiling prayoridad ng pamahalaan at ng DSWD ang pagpapaabot ng tulong sa sektor ng mga tsuper. (DSWD FO 1 – Ilocos Region)
###

