Nakatanggap ng tulong pinansyal ang 2,479 tourism workers sa Ilocos Region sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer (ECT) Program ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) matapos lubhang maapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa pananalasa ng Bagyong Uwan noong nakaraang taon.
Ang mga benepisyaryo ay mga manggagawa sa sektor ng turismo na matagal na natigil o naantala ang hanapbuhay dahil sa pinsalang idinulot ng bagyo sa mga tourism-related facilities at activities sa rehiyon. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP10,179.00 bilang karagdagang tulong upang matugunan ang kanilang pangangailangan at makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Naisagawa ang pamamahagi ng ECT sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT), na siyang nakipag-ugnayan sa mga City at Municipal Tourism Offices upang maayos na matukoy at ma-validate ang mga tourism workers na lubhang naapektuhan ng nasabing bagyo.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa 32 na mga lungsod at bayan sa buong Ilocos Region kabilang ang Batac City, Laoag City, Paoay, San Nicolas, at Sarrat sa Ilocos Norte; Caoayan, Narvacan, Santa Catalina, Santa Maria, Santo Domingo, at Vigan City sa Ilocos Sur; Agoo, Bacnotan, Bauang, Rosario, City of San Fernando, San Gabriel, San Juan, at Sudipen sa La Union; at Agno, Alaminos City, Anda,Bani, Binmaley, Bolinao, Bugallon, Burgos, Labrador, Lingayen, Mabini, San Fabian, Sual, at Dagupan City sa Pangasinan.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng DSWD FO 1 sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na maihahatid ang kinakailangang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng ECT, layunin ng Kagawaran na makatulong sa pagbangon ng mga sektor lubhang naapektuhan ng kalamidad at maibalik ang kanilang kakayahang makapaghanapbuhay.
Ang ECT ay isang programa ng DSWD na naglalayong magbigay ng unconditional cash assistance sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)

