Libo-libong aplikante ang nakilahok sa malawakang Labor Day Job Fair 2026 baon ang pag-asang makahanap ng trabahong magiging tulay nila para makapagsimulang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Ito ay inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nilahukan din ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa pagdiriwang ng ika-124 na Araw ng Paggawa, na may temang “Disenteng Trabaho para sa Lahat: Iisang Hangarin, Bagong Pilipinas Sama-samang Mararating” noong May 1, 2026. Ang nasabing job fair ay idinaos sa anim na magkakahiwalay na lokasyon sa buong rehiyon.
Layunin ng inisyatibong ito na magbukas ng pagkakataon at oportunidad sa mga job seekers, lalo na sa mga fresh graduates, na makahanap ng trabaho na akma sa kanilang kakayahan at makapagsimula sa kanilang karera.
Bilang pakikiisa sa layuning ito, nagsagawa ng Sustainable Livelihood Program (SLP) Eligibility Assessment at Profiling ang DSWD FO 1 SLP para sa mga Hired on the Spot (HOTS) applicants. Ito ay taunang partisipasyon ng ahensya para matukoy ang mga HOTS applicants na maaaring makakatanggap ng tig-Php7,000.00 karagdagang suporta sa ilalim ng Employment Facilitation (EF) Track ng programa.
“Malaking tulong po ang Job Fair na ito, lalo na sa aming mga ga-graduate pa lamang sa kolehiyo para makahanap ng panimulang trabaho. Ganun din po ang financial assistance ng DSWD para may magamit po kami sa aming pag-a-apply,” ani Trisha Claire Cachero mula sa Parian Este, Bauang, La Union.
Sa kabuoan, 138 HOTS applicants ang natukoy na kwalipikado sa employment assistance na magagamit nila sa pagkumpleto ng kanilang mga pre-employment requirements, pang-allowance, at pampamasahe nila papuntang trabaho habang hindi pa nila natatanggap ang kanilang unang sahod.
Bukod dito, nagkaroon din ng One-Stop Shop ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Social Security System (SSS), PhilHealth at iba pa para mai-proseso ng mga HOTS applicants ang kanilang mga pre-employment documents.
Hindi lamang trabaho ang inilalapit sa mga aplikante, kundi isang komprehensibong serbisyo para sa mga manggagawang Pilipino para masigurong walang maiiwan, bagkus, lahat ay matutulungan para magkaroon ng trabahong disente at matatag. (by DSWD FO 1- Ilocos Region)

