Bilang bahagi ng patuloy na suporta sa bagong simula ng mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs), nagbigay ng financial assistance ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1- Ilocos Region (DSWD FO 1) sa tatlo nating kababayan mula sa Lalawigan ng Pangasinan ngayong araw, April 8, 2026.
Isa si Eduardo Mercado mula sa Asingan sa mga nakatanggap ng tulong. Iniabot ni Secretary Rex Gatchalian ang Php20,000.00 livelihood assistance mula DSWD FO 1 Sustainable Livelihood Program (SLP) bilang panimulang kapital sa kanyang napiling kabuhayan. Dagdag pa rito, tumanggap din siya ng Php10,000.00 tulong pinansyal mula sa Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sa panayam ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela Gopalan, ibinahagi ni Eduardo na siyam na taon siyang nagtrabaho bilang isang driver at foreman sa isang pribadong kompanya sa Bahrain, at nito lamang April 1 ay umuwi na sa bansa dahil sa kaguluhang nagaganap sa Middle East.
“Nagpapasamalat po ako sa DSWD FO 1 sa tulong na nabigay sa akin para makapagsimula po akong muli. Gagamitin ko po ang tulong na ito para makapagbukas ako ng Rice Retailing Business para may pandagdag pantustos sa pangangailangan ng aking pamilya,” sambit ni Eduardo.
Habang wala pang ibang pinagkakakitaan, ang bubuksang bagong kabuhayan ang kanyang palalaguin para may pandagdag sa kanilang gastusin at patuloy na masuportahan ang pag-aaral ng tatlong anak.
Samantala, nakatanggap din sina Razel M. Pudol ng Binalonan at Leo B. Guzman ng Dasol, Pangasinan ng tig-Php10,000.00 mula sa AICS.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mabigyan ng agarang tulong ang mga repatriated OFWs para makapagsimulang muli at may magamit sa kanilang pag-uwi sa bansa.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng Kagawaran sa maagap at mapagkalingang paraan, masisiguradong ang tamang tulong ay umaabot sa mga taong nangangailangan tungo sa mas maayos, matatag, at sustenableng kinabukasan. (DSWD FO 1- Ilocos Region)

