Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may mandatong manguna sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa at serbisyong nakatuon sa social protection at poverty reduction, kagaya ng Risk Resiliency Program (RRP) – Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for Impoverished) na patuloy na pinalalakas ang kakayahan ng mga komunidad laban sa epekto ng climate change kagaya ng kakulangan sa tubig at pagkain.
Ngayong taon, nasa ikatlong taon na ng implementasyon sa rehiyon ang programa na naglalayong magbigay ng kabuhayan sa mga komunidad habang pinapalakas ang kanilang kapasidad sa climate adaptation, food security, at community resilience sa pamamagitan ng limang araw na Cash-for-Training (CFT) at 15 araw na Cash-for-Work (CFW).
Sa 30 target na lokal na pamahalaan ng programa sa Region 1, unang nagsagawa ng Stage 1 ng programa sa bayan ng Suyo, Ilocos Sur kung saan sumailalim sa tatlong araw na Learning and Development Session sa ilalim ng CFT modality ang 250 partner-beneficiaries mula April 14–16, 2026.
Sa isinagawang pagsasanay, tinalakay ang kabuuang layunin ng RRP – Project LAWA at BINHI, kabilang ang proseso ng implementasyon, gayundin ang iba pang mga programa at serbisyo ng DSWD, disaster preparedness, mga batas sa social protection, at Feedback and Grievance Redress Mechanism ng programa. Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng mga partner-beneficiaries sa wastong pagtugon sa panahon ng kalamidad, kanilang mga karapatan at mga batas na nagpoprotekta sa kanila, gayundin ang mga programang maaari nilang ma-access at ang mga mekanismo para sa pagbibigay ng feedback o reklamo kaugnay ng implementasyon ng programa.
Naging mas komprehensibo rin ang pagsasanay nang magbahagi ng kaalaman ang mga eksperto mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa safety protocols sa pagtatrabaho para sa implementasyon ng Stage 2 kung saan isasagawa ang mga proyekto sa ilalim ng CFW. Nagbigay rin ng talakayan ang Municipal Agriculture Office (MAO) tungkol sa Integrated Pest Management (IPM), at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hinggil sa biology at culture management ng tilapia.
Bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa rin ang mga partner-beneficiaries ng Community Action Planning kung saan bumuo sila ng kanilang 15-day CFW roadmap at mga estratehiya upang matiyak na maisasakatuparan sa itinakdang panahon ang mga proyektong nakatuon sa water access development, community gardening, at food production sa kanilang komunidad.

Pagkatapos maisagawa ang mga proyekto, muling sasailalim sa dalawang araw na CFT ang mga partner-beneficiaries para sa mga hakbang at gawain sa pagpapanatili at pangangalaga ng mga proyekto.
Samantala, sumailalim na rin sa Stage 1 CFT ang mga partner-beneficiaries ng Laoac, Pangasinan mula April 15–17, 2026.
Magtutuloy-tuloy din ang implementasyon ng programa sa 28 pang mga lokal na pamahalaan sa Rehiyon Uno bilang bahagi ng ikatlong taon ng pagpapatupad nito. Layunin nitong higit pang palawakin ang saklaw ng mga komunidad na matutulungan.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng DSWD FO 1 sa mga lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies, patuloy na pinalalakas ang kakayahan ng mga komunidad na mag-adapt at maging mas matatag laban sa mga hamon ng climate change sa Rehiyon Uno. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
