“Hindi na kami mamamasahe at magbabayad.”
Ito ang karamihang pahayag ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) families mula sa Region 1 na nakatanggap ng libreng legal service sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), Integrated Bar of the Philippines (IBP), at Abarcar Law Office.
Simula nitong unang kwarter ng taon, sinimulan ang validation ng mga City at Municipal Link sa mga benepisyaryo ng 4Ps bilang bahagi ng transition ng programa mula household-based tungo sa family-based implementation. Ibig sabihin, hindi na buong household ang basehan ng pagiging benepisyaryo, kundi ang bawat pamilya na mismo. Ginagawa ito upang mapabuti ang pagbibigay ng responsive intervention sa bawat benepisyaryo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng family-centered case management.
Sa ilalim nito, ang pangunahing responsable sa 4Ps monitored children ay ang mga magulang o biological parents. At kung ang nag-aalaga ay extended family gaya ng lolo, lola, o ibang kamag-anak, kailangan nilang kumuha ng legal na dokumento tulad ng Affidavit of Guardianship upang mapatunayang sila ang awtorisadong tagapag-alaga ng bata. Dahil dito, pinaigting sa Region 1 ang pagbibigay ng libreng Affidavit of Guardianship at notarization para sa mga 4Ps families na mangangailangan nito.

Upang mapadali ang pagproseso ng dokumento, nagtulungan ang PAO Region 1, Local Government Units, at ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region 4Ps sa pagbibigay ng libreng serbisyong legal, kabilang ang paggawa at notarization ng nasabing affidavit. Bukod dito, personal na pinuntahan ng PAO ang mga 4Ps beneficiaries sa magkakahiwalay na venue upang mailapit ang serbisyo at maiwasan ang dagdag gastos.
Bukod sa region-wide na handog ng PAO Region 1, nagkaroon din ng libreng legal service ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pangasinan Chapter sa Sison, Pangasinan, gayundin ang Project A.L.A.Y. o Accessible Legal Assistance For You na handog ng Abarcar Law Office sa San Jacinto, Pangasinan.
“Maraming salamat po sa pagbibigay ng libreng serbisyo para sa aming mga 4Ps beneficiaries, hindi ako gumastos sa pamasahe at notaryo sa pagkuha ko ng Affidavit of Guardianship,” pagbabahagi ni Vilma Y. Zabella, 4Ps beneficiary mula Sison, Pangasinan.
Ang paglipat sa family-based na pagpapatupad ng 4Ps ay nakabatay sa Republic Act No. 11310 at sa pambansang polisiya na kumikilala sa pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan at pag-unlad. Sa pamamagitan nito, masisiguro na ang bawat 4Ps monitored child ay naninirahan at inaalagaan ng awtorisadong legal guardian.
Ang libreng serbisyong legal na ito ay patunay sa patuloy na pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na ang mga mahihirap na pamilya ay nabibigyan ng nararapat na serbisyo sa mabilis, madali, at maayos na pamamaraan. #
