Tagumpay ang pag-arangkada ng pamimigay ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ng PhP5,000.00 cash relief assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa Rehiyon Uno.
Dumalo si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Urdaneta City, Pangasinan payout upang makita ang aktwal na sitwasyon sa lugar at matiyak ang maayos at mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo.
“Simultaneous ang pagbigay ngayon ng tulong sa mga tricycle driver nationwide. Pagtapos naman nito, sisimulan na rin natin ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga jeepney drivers, TNVS, taxi drivers, at delivery riders. Direktiba ng ating Pangulo na tulungan ang mga bulnerableng mga tsuper at mga riders dahil patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo. Walang tsuper o driver na maiiwan,” ani Secretary Gatchalian.
Sabay-sabay na isinagawa ang pamamahagi ng cash relief assistance sa iba’t-ibang lungsod sa Region 1, kabilang ang Laoag City at Batac City sa Ilocos Norte; Vigan City at Candon City sa Ilocos Sur; City of San Fernando sa La Union; at Alaminos City, Urdaneta City, San Carlos City, at Dagupan City sa Pangasinan.
Tinatayang 24,555 benepisyaryo ang makatatanggap ngayong araw ng tig-PhP5,000.00 cash assistance, na may kabuoang halaga na PhP122,775,000.00.
Kabilang sa PUV drivers ay mga tricycle, jeepney, UV Express, at bus drivers, pati na rin ang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) drivers na kinabibilangan ng mga motorcycle taxi, at delivery riders. Ngayong araw, naka-pokus ang payout sa tricycle drivers na siyang pinakamarami sa Region 1.

Nagpahayag naman ng pasasamalamat ang isa sa mga benepisyaryo: “Ngayong mataas ang presyo ng petrolyo, ang malinis na naiuuwi ko na lamang sa aking pamilya ay humigit-kumulang PhP200.00. Dahil dito, may mga pagkakataon na hindi na ako namamasada dahil kulang na kulang po talaga ang kinikita. Kokonti nalang din po kasi ang mga pasahero. Malaking tulong po sa aming mga mahihirap na driver ang cash assistance na ito. Maraming salamat po sa ating Pangulo at sa DSWD,” ani Reynaldo M. Arenas, isang tricycle driver mula San Jose, Urdaneta City, Pangasinan.
Mas pinadali rin ang pagkuha ng cash assistance ng mga drivers sa mga payout sites. Kinakailangan lamang ng valid driver’s license at photocopy nito, at dapat tumugma ang pangalan sa final at verified list na isinumite ng lokal na pamahalaan (LGU) sa DSWD. Hindi kasama sa payout ang mga may expired na driver’s license at ang mga kolorum na sasakyan.
Sa bawat payout site sa rehiyon ay nagkaroon din ng LGU-DSWD Help Desk upang matugunan ang anumang concern o katanungan ng mga benepisyaryo.
Samantala, may naging paalala naman si Regional Director Marie Angela S. Gopalan sa mga hindi nakadalo sa itinakdang payout schedule, “Kung ang isang benepisyaryo ay kabilang sa masterlist ngunit hindi nakadalo sa itinakdang payout, iho-hold namin ang kanyang benepisyo at magtatakda ng paraan kung paano niya ito makuha kasi hindi pinapayagan ang substitution. Kailangan lamang makipag-ugnayan agad sila sa kanilang lokal na pamahalaan,” diin niya sa PIA Kapihan interview kahapon, April 7.
Ito ang unang iskedyul ng cash relief assistance payout sa rehiyon at nakikipagugnayan na rin ang DSWD sa iba pang munisipalidad para sa mga susunod na payout. Isinasagawa ang inisyatibang ito bilang bahagi ng direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng agarang suporta sa sektor ng transportasyon na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. #
