Panibagong pag-asa at oportunidad ang dumaloy para sa tatlumpung miyembro ng H2O Water Refilling Station Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) matapos ang matagumpay na pagbubukas ng kanilang water refilling station sa Brgy. 38-A Mangato East, Laoag City, Ilocos Norte nitong Marso.
Bago pa ito binuksan, bumabyahe ng higit sa limang kilometro ang kanilang mga kabarangay para bumili ng maiinom na tubig sa Brgy. Nalbo at Brgy. Calayab, Laoag City.
“Noong wala pa po itong water refilling station namin, pumupunta pa sa ibang barangay ang mga kabarangay namin para bumili ng tubig o di kaya ay nagpapadeliver po sila,” ani Nira Pilar R. De Jesus, SLPA President.
Dahil dito, nagpasya ang mga miyembro ng SLPA na magpatayo ng water refilling station dahil bukod sa kikita na sila, ito’y makakatulong din sa kanilang mga kabarangay.
Kagaya ng ibang samahan, humarap din sa mga pagsubok ang SLPA lalo na sa pagproseso ng mga dokumento para maging legal ang operasyon ng kanilang kabuhayan. May mga pagkakataon ding kusang nagbibigay ng pinansiyal na kontribusyon ang mga miyembro para matapos ang mga dokumentong kinakailangan. Dahil sa kanilang pagtutulungan at sa suporta ng DSWD Field Office 1- Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP), mag-iisang buwan na ang kanilang water refilling station.
“Ang pagbubukas ng water refilling station namin ay bunga ng sama-samang pagsisikap, tiyaga, at dedikasyon ng bawat miyembro ng aming SLPA”, dagdag pa ni Aling Nira.
Higit pa sa isang negosyo, ang kanilang kabuhayan ang nagsilbing daluyan ng pag-asa para sa bawat miyembro ng SLPA. Sa ngayon, sinisikap nilang palaguin ito upang magkaroon ng karagdagang sasakyan para makapag deliver na rin sa mga karatig na barangay.
Tuloy- tuloy rin ang pagsuporta ng DSWD FO 1 SLP para maabot ng SLPA ang hangaring ito . Sa patuloy na pagdaloy ng ganitong mga oportunidad, mas marami pang kababayan ang matutulungan tungo sa pagkamit ng mas mayabong na kinabukasan. (by DSWD FO 1- Ilocos Region)

