Nakiisa ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa ginanap  na “Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa: Regional Reintegration Network and Job Fair, Balik-Turo Activity, and Kumustahan Session for OFWs” na pinangunahan ng Department of  Migrant Workers (DMW), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan,  sa San Vicente, City of San Fernando, La Union kahapon (April 21, 2026).

Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan para maghatid tulong sa mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs), partikular na sa mga naapektuhan ng kaguluhang nagaganap sa Middle East.   

Sa mensahe ni DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikinig sa mga kuwento ng mga OFW upang malaman ang kanilang naging mga karanasan at kasalukuyang sitwasyon nang sa gayon ay mas mapabuti ang serbisyo ng ahensya at ng buong pamahalaan.

Mula sa kaliwang larawan, abala ang Angel in Red Vests sa pag aayos ng booth at paglalatag ng IEC materials para sa program at serbisyo ng ahensiya. Sa kanang larawan naman ay si RD Gopalan na nagpapahayag ng kanyang suporta sa matagumpay at ligtas na pagbabalik ng ating mga Balikbayang Manggagawa.

“Ang inyong pag-uwi ay isang pagkakataon para mas makilala namin kayo at ang inyong mga pinagdadaanan. Bukas po kami sa inyong feedback upang mas mapabuti pa ang aming mga assessment at serbisyo para sa inyong masiglang muling pagsisimula,” pahayag ni RD Gopalan.

Samantala, kasama rin sa one-stop-shop platform ng aktibidad ang DSWD FO 1 upang ilapit ang mga programa ng Kagawaran sa mga benepisyaryo. Kabilang sa information booth ng Ahensya ang Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa kaalaman tungkol sa tulong pangkabuhayan, at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para naman sa mga impormasyon ng tulong pinansyal para sa may mga kinakaharap na krisis. Nagsagawa rin ang DSWD Mental health Responder ng initial assessment kasabay ng pagpapakilala ng Wireless Mental Health and Psychosocial Support (WiSUPPORT), ang online mental health counseling service ng DSWD.

Ang inisyatibong “Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa,” ng DMW ay bahagi ng whole-of-government approach at buong pusong sinusuportahan ng DSWD FO 1 na sumasalamin sa malasakit ng pamahalaan sa bawat nagbabalik na OFW. Layunin nitong matiyak na sa kanilang pag-uwi, hindi lamang sila muling makakabangon sa pamamagitan ng hanapbuhay, kundi mararamdaman din ang komprehensibong kalinga—medikal, pinansyal, at emosyonal, bilang matibay na sandigan sa kanilang panibagong simula.

*Karagdagang impormasyon sa WiSUPPORT:

Para sa online mental health counseling, maaring tumawag sa WiSUPPORT hotline numbers upang makatanggap ng agarang gabay, emosyonal na suporta, at propesyonal na payo mula sa mga trained mental health responders ng DSWD.

Mobile Number: 0962-961-9871 (SMART)  | 0954-195-4241 (GLOBE)

Email: DSWD WiSUPPORT FO 01

Magrehistro sa: ekwentomo.dswd.gov.ph