Ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi matatawaran, lahat ay kinakaya maibigay lamang ang magandang buhay sa mga anak na pinaka-iingatan. At isa si Aling Maria Angela Caalim mula sa Anda, Pangasinan sa maraming magulang ang nagpapatunay nito.
Simula noong yumao ang kanyang asawa taong 2021, mag-isa na lamang niyang itinataguyod ang dalawang anak sa pamamagitan ng pananahi. Mula lunes hanggang sabado ay bukas ang kanyang tahian na matatagpuan sa Poblacion ng kanilang bayan. Anumang klaseng kasuotan ay tinatahi niya upang kumita at nang may magamit sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Sa kasalukuyan, nasa kolehiyo na ang kanyang panganay, samantalang anim na taon pa lamang ang kanyang bunso.
“Mahirap maging solo parent dahil ako nalang ang inaasahan ng aking mga anak. Ako ang mag-isang nagsisikap magtrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilya”, ani Aling Angela. Bilang isang solo parent, dala niya ang bigat ng responsibilidad ng nag-iisang nagtataguyod sa mga anak. Bukod sa pagiging ilaw ng tahanan, siya na rin ang tumatayong ama sa mga anak. Mahirap man ngunit buong tapang niyang kinakaya. Sa kanyang pag-uwi, ang ngiti ng mga anak ang pumapawi sa lahat ng kanyang pagod at sakripisyo.
Si Aling Angela ay isa sa 20 Solo Parents ng Anda, Pangasinan na nabigyan ng tig-Php15,000.00 na dagdag tulong pangkabuhayan mula sa DSWD Field Office 1- Ilocos Region (DSWD FO 1) sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) Microenterprise Development (MD) Track.
Ang halagang galing sa DSWD FO 1 SLP ay ginamit niyang pandagdag pambili ng mga materyales sa kanyang tahian kagaya ng bagong makina, tela at iba pa. Bagaman hindi ganoon kalaki ang halaga, sa kanyang pagsisikap at diskarte, naging sustenable ang kanyang kabuhayan. Sa ngayon, may pinagkukuhanan na siya ng sapat na pantustus sa pag-aaral ng kanyang mga anak at nakakapagtabi na rin siya para may magamit sa hinaharap. Dagdag din niya, ang kanyang natanggap ay hindi lamang basta pinansyal na tulong, kundi ang pagkakataong ito ang nagbukas ng bagong simula para sa kanilang mag-iina.
Ang kwento ni Aling Angela ay isa lamang sa mga kahanga-hangang kwento ng mga Solo Parents sa Anda, Pangasinan na naorganisa sa pamamagitan ng Project SOLo (Strengthening Opportunities for Lone Parents). Ang kanyang ipinakitang katatagan ay patunay na ang pagiging Solo Parent ay hindi hadlang para makabangon sa buhay at hindi rin isang kahinaan, bagkus, ito ang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob para patuloy na lumaban at harapin ang anumang hamon ng buhay. (DSWD FO 1- Ilocos Region)
