“Akala ko dati, hanggang pangarap lang ang lahat para sa mga katulad kong mahirap.”

Isang simpleng kataga ngunit nagpapahayag ng mabigat na katotohanan. Ganito nagsimula ang kwento ni Kyla Camille S. Ortal mula Barangay Baay, Batac City, Ilocos Norte –  isang dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) monitored child na minsang naniwala na ang tagumpay ay para lamang sa mga may kaya sa buhay.

Lumaki si Kyla sa isang simpleng tahanan na kapos sa mga materyal na bagay ngunit sagana sa pagmamahal at pangarap. Sa araw-araw, ramdam niya ang hirap ng buhay. May mga pagkakataong sapat lang ang kita ng kanyang mga magulang kaya kailangang magtipid sa pagkain, kuryente, pati gastusin sa eskwelahan. Sa kabila ng lahat, may isang bagay ang hindi nawala sa kanya, ang kanyang pangarap.

Bata pa lamang si Kyla, bukod sa matayog, ay marami ang kanyang mga pangarap. Gusto niyang maging astronaut, minsan guro, at minsan ay engineer. Hindi pa noon aniya malinaw kung paano niya makakamit ang mga pangarap na ito, pero malinaw ang kanyang dahilan, gusto niyang makaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Sa kanyang paglaki, mas namulat siya sa realidad. “Hindi pala sapat ang mangarap. Kailangan mo rin itong ipaglaban”, ani Kyla.

Kaya nagaral siyang mabuti, naghanap ng paraan upang makapagtapos sa pag-aaral. Pagbabalik tanaw niya, “Pinangarap kong maging DOST scholar ngunit hindi ako pumasa. Masakit. Nakakadismaya. Pero hindi ako tumigil. Lahat ng klase ng scholarship ay inapplyan ko.”

Dahil sa kagustuhang maging bahagi ng healthcare system upang makatulong sa mga may sakit, pinili niyang kumuha ng Bachelor of Science in Pharmacy sa Mariano Marcos State University (MMSU).

Sa kolehiyo, hindi aniya naging madali ang lahat. May mga gabing puyat sa pag-aaral. May mga araw na pagod na pagod siya sa dami ng requirements. At may mga sandaling gusto na niyang sumuko.

Pero hindi siya bumitaw hanggang sa siya ay nakapagtapos. Higit lalo siyang nagpursigi dahil alam niyang paparating pa lang ang pinakamabigat niyang laban, ang board exam.

Dito niya ibinuhos ang lahat ng natitirang lakas, pag-asa, at dasal dahil batid niyang ito ang kanyang huling laban para sa pangarap.

Hanggang sa dumating na ang araw ng resulta. Ayon kay Kyla, nang makita niya ang pangalan sa resulta ay napahinto siya. Dahil hindi lang siya pumasa. Top 2 siya sa April 2026 Pharmacist Licensure Exam na may markang 94.35%.

Sa sandaling iyon, bumuhos aniya ang lahat ng luha — luha ng kagalakan at kaginhawaan. Ang batang minsang nagsabing “hanggang pangarap lang siguro ito”, ngayon ay isa na sa mga nagpapapatotoo na posibleng matupad ang pangarap ng isang batang mahirap.

Mula sa pagiging achiever na 4Ps monitored child noon, suot ang unipormeng sumisimbo ng tagumpay, isa nang licensed Phamacist at top 2 sa board exam si Kyla.

Sa likod ng tagumpay na ito ay mga kamay na umalalay sa kanya sa bawat hakbang, isa na rito aniya ang 4Ps. Sa kanilang tatlong magkakapatid, si Kyla ang naging 4Ps monitored child. Ibig sabihin ay siya ang sinubaybayan ng programa pagdating sa kanyang pag-aaral at kalusugan. Hindi rin niya ito binigo, dahil naging achiever si Kyla simula’t sapul.

“Malaki ang naging parte ng 4Ps sa pagtataguyod ng aming pamilya. Isa itong lifeline para sa amin. Maraming puna pero proud akong sabihin na ang batang 4Ps na ito ay top 2 po sa April 2026 Pharmacist Licensure Exam. Salamat po sa lahat ng tax payers,” ani Kyla.

Ngayon, tatlo na kaming professionals sa aming pamilya. Ang aking Ate na si Revelyn ay isang ganap na Teacher VI sa Baay Elementary School. Gayundin ang aking kuya na si Jasen Kyle na isang School Head sa Rayuray Elementary School. Kaya masasabi kong malaki na ang nagbago sa aming pamilya,” dagdag pa niya.

Sa huli, ang kwento ni Kyla ay hindi lang tungkol sa pagiging Top 2. Ito ay kwento ng isang batang hindi natinag ng kahirapan sa pagkamit ng kanyang pangarap na inaasam.

Isang batang nangarap. Nanindigan. Nagpursigi. At nagtagumpay. #