“Hindi sapat ang salitang ‘mahal kita’ kung hindi ito sinasamahan ng tunay na pagkilos para sa kaligtasan ng mga bata.” Ito ang matapang na pahayag ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) Home for Girls (HFG) sa isinagawang awareness campaign sa Jose D. Aspiras Civic Center noong Pebrero 2026.

Sa gitna ng obserbasyon ng Child Sexual Abuse Awareness Week (CSAAW), nagtipon-tipon ang mga residente ng HFG at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan upang itaguyod ang temang “Ako, Ikaw, Tayo, Nagkakaisa Laban sa Child Sexual Abuse”.

Sa gitna ng lumalawak na banta ng teknolohiya, binigyang-diin sa oryentasyon ang panganib ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC). Tinalakay ang mga mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 11930Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, upang bigyan ng ngipin at mas mapaigting pa ang kampanya kontra sa mga mapagsamantala sa online platforms.

Hindi lamang kaalaman ang naging sandata sa naging aktibidad kundi pati na rin ang pagkamalikhain ng mga kabataan sa pamamagitan ng CSAAW Jingle Making Contest. Dito, ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang talento sa paggawa ng mga awiting nagdadala ng mensahe ng pag-asa at nagtuturo ng tamang paraan para sa bawat bata. Ang bawat nota at lirika ay nagsisilbing boses ng kanilang paninindigan laban sa pang-aabuso. Bilang rurok at pinakamahalagang buwan ng aktibidad, nagkaisa ang mga kawani, guro, at mga mag aaral sa isang makasaysayang Commitment Setting. Sa pamamagitan ng paglagda sa banner, selyado na ang kanilang matibay na pangako at pakikisa na wakasan ang banta ng OSAEC.

Hinikayat din ni HFG Center Head Regina A. Bulatao ang lahat na sama-samang protektahan ang mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso. “Mag-report sa mga Law Enforcement Officers, Social Workers, at sa mga taong mapagkakatiwalaan. Sa patuloy nating pakikiisa sa ganitong adhikain, ating mapapatunayan na ang karapatan at welfare ng bawat bata ay nananatiling well-protected and promoted,” aniya.

Sa huli, muling nanawagan ang DSWD FO 1 na ang pagprotekta sa mga bata ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan, kundi pati ng bawat tahanan at komunidad. Sa tulong ng mga ganitong kampanya, masisiguro na ang bawat bata ay lalaking ligtas, may wastong kamalayan sa tama, at protektado. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)