Para sa pamilyang Pilipino na umaasa sa arawang kita, hindi madali ang magtabi ng pera para sa kinabukasan. Ang kadalasang kinikita sa isang araw ay agad ding nagagastos dahil sa arawan ding pangangailangan ng pamilya. Sa dahilang ito inilunsad ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) katuwang ang Social Security System (SSS) ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) AlkanSSSya Program na naglalayong tulungan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na unti-unting makapag-ipon para sa kanilang kinabukasan.

Inilunsad ang AlkanSSSya Program noong 2011 para sa mga manggagawa sa informal sector tulad ng mga drayber, tindera, magsasaka, at mangingisda. Sa tulong ng Memorandum of Agreement noong July 8, 2024 sa pagitan ng DSWD at SSS, mas pinalawak na ngayon ang programa upang maabot ang mga benepisyaryo ng 4Ps at matulungan silang makaahon mula sa kahirapan sa pamamagitan ng pag-iimpok at makakuha ng benepisyo mula sa SSS.

47 miyembro ng Tabtabungao 4Ps United Associations, unang sumubok sa 4Ps AlkanSSSya Program

March 25, 2026 nang umpisahan ang pilot implementation sa Region 1 kung saan 47 miyembro ng Tabtabungao 4Ps United Associations ng Rosario, La Union ang unang makakasubok ng nasabing programa.

Para sa karamihan ng miyembro ng Tabtabungao 4Ps United Associations, ang ideya ng pag-iipon ay tila mahirap simulan. Gayunpaman, sila ay nagkaroon ng inspirasyon matapos maipaliwanag ng mga kawani ng SSS ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kontribusyon sa institusyon. Naging malinaw sa grupo na kahit barya-baryang ipon sa araw-araw ay maaari nang magsilbing daan tungo sa mas mabilis na pagkuha ng tulong pinansyal sa oras ng pagkakasakit, pagreretiro, o iba pang pangangailangan.

Sa ilalim ng 4Ps AlkanSSSya Program, ang mga kalahok ay hinihikayat na magtabi ng maliit na halaga araw-araw sa kanilang “AlkanSSSya” hanggang sa mabuo ang PhP760 na kasalukuyang minimum na kontribusyon para sa self-employed. Magtatalaga ang bawat grupo ng taga-kolekta ng naipong halaga mula sa bawat miyembro upang matiyak na makumpleto ang kinakailangang kontribusyon na siyang ihuhulog kada katapusan ng bawat buwan sa SSS. Ito ang napagkasunduang contribution scheme ng DSWD at SSS, na inaasahang higit na aangkop sa kakayahan ng mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. Sa paraang ito, mababawasan ang bigat ng pagbabayad ng buwanang kontribusyon at magiging mas sistematiko ang pag-iipon.

Pagkatapos ng orientation ng SSS sa 4Ps AlkanSSSya Program, ang mga miyembro ng Tabtabungao 4Ps United Associations ay nakaramdam ng panibagong pag-asa at positibong pagtanggap.

Ayon kay Annie F. Saguirre, na isa sa mga benepisyaryo, “Nagpapasalamat kami sa pagkakaroon ng pagkakataong makagplano para sa aming kinabukasan. Karamihan sa aming mga kasama sa asosasyon ay hindi miyembro ng SSS, ngunit ngayon ay determinado na kaming lahat na maging miyembro dahil naintindihan na namin ang kahalagahan at mga benepisyong dulot nito.”

“Nais po ng DSWD na maipagpatuloy ninyo ang programang ito kahit hindi na po kayo 4Ps beneficiary. Hangad po namin na maalala ninyo ang 4Ps hindi lamang dahil sa cash grants, kundi dahil sa positibong pagbabago na naidulot nito sa inyong pamilya, kasama ang SSS bilang katuwang sa paghubog ng mas maayos na kinabukasan. Ang araw na ito ay para sa inyo, isang hakbang tungo sa mas maganda at mas matatag na buhay para sa inyong lahat,” ani Rosalyn L. Descallar, DSWD FO 1 4Ps Division Chief sa kanyang mensahe.

Ang 4Ps AlkanSSSya Program ay paalala na ang pag-unlad ay hindi kailangang biglaan. Ito ay dahan-dahang binubuo sa pamamagitan ng tamang diskarte, disiplina, at malasakit sa sarili at sa pamilya. Ipinapakita ng programa na sa bawat pisong naitatabi, unti-unting nabubuo ang isang mas matatag at mas ligtas na bukas, isang kinabukasan na kayang abutin ng bawat benepisyaryo ng 4Ps na naghahanda para sa mas future-ready na buhay. #