May mga pangarap na unti-unting nabubuo dahil sa mga taong nagbigay ng pag-asa sa gitna ng hirap.
Ganito nagsimula ang kuwento ni Benji S. Sorio, isang dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ngayon ay isa nang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) 4Ps City Link (CL) sa Dagupan City.

Lumaki si Benji sa isang simpleng tahanan na puno ng pangarap ngunit kapos sa kayamanan. Apat silang magkakapatid, at araw-araw ay nagsusumikap ang kanilang mga magulang upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Ang kanyang ina ay nagluluto ng kakanin upang may maibenta, at kung minsan ay naglalabandera upang kumita ng dagdag na pera habang ang kanyang ama ay isang magsasaka at kargador ng buhangin. Ngunit sa kabila ng kanilang pagsisikap, madalas ay hindi sapat ang humigit-kumulang PhP300 na kinikita sa isang araw para sa pagkain, kuryente, at iba pang gastusin.
“Dumating sa punto na suki na sa lending ang aking mga magulang para lang makaraos sa bawat araw,” pagbabalik-tanaw niya.
Sa murang edad, nasaksihan na ni Benji ang bigat ng kahirapan. “Mahirap maging mahirap. Pakiramdam ko noon, igagalang ka lang ng iba kapag may posisyon o titulo ka sa lipunan,” dagdag niya.
Ngunit taong 2009 ay nagbago ang takbo ng kanilang buhay nang mapabilang ang kanilang pamilya sa 4Ps. Dalawa silang magkapatid ang naging monitored children ng 4Ps, nangangahulugang kailangan nilang pumasok sa paaralan at sumunod sa mga health at education requirements upang patuloy na makatanggap ng cash grants ang kanilang pamilya.
Ayon pa kay Benji, malaki ang naitulong ng monthly cash grants sa pagbili ng mga gamit sa pag-aaral. Ngunit, higit pa sa pinansyal na tulong ang naging ambag ng 4Ps sa kanilang buhay. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS) na dinadaluhan ng kanyang mga magulang, natutunan ng kanilang pamilya ang wastong paghawak ng pera, kahalagahan ng edukasyon, at pagpaplano para sa kinabukasan. Dahil dito, nahikayat ang kanyang ina na mag-alaga ng baboy upang magkaroon ng dagdag na kita at matustusan ang iba pang pangangailangan nilang magkakapatid sa paaralan.
Naging isa sa mga inspirasyon ni Benji ang kanilang mga pinagdaanan upang pagbutihin lalo ang kanyang pag-aaral. “Ipinangako kong magsusumikap ako upang hindi habang-buhay na ganito ang aming buhay,” wika niya.
Hindi naman nasayang ang kanyang pagsusumikap dahil mula elementarya hanggang kolehiyo, patuloy ang kanyang pagkamit ng mga parangal bilang honor student, hanggang sa maging Dean’s Lister.
Noong 2019, isa sa pinakamahalagang pangarap niya ang natupad, ang makapasa sa Social Worker Licensure Examination at maging isang Registered Social Worker.
“Hindi ko naisip maging Social Worker noong bata ako. Ngunit na-inspire ako sa Social Worker na si Michelle Nano-Aquino, ang 4Ps Municipal Link (ML) na may hawak sa amin noon,” pagbabahagi ni Benji.
Pag-alala pa ni Benji, hindi lamang pagmonitor ang ginawa ni ML Michelle noon. Ipinakita rin niya kung ano ang ibig sabihin ng tunay na malasakit, aniya, “Pinaparamdam niya na hindi kami nag-iisa at kaya naming umangat mula sa kahirapan.”
Ngayon, si Benji naman ang nagsisilbing role model ng mga pamilyang nangangarap ding makaahon sa kahirapan. Bilang CL ng 4Ps sa Dagupan City, araw-araw niyang nakakasalamuha ang mga pamilyang may kanya-kanyang kwento ng pagsusumikap at pag-asa. Sa bawat tahanang kanyang napupuntahan, naaalala niya ang sariling mga pinagdaanan.
Sa hangaring mas mapabuti pa ang kanyang kakayahan sa paglilingkod, hindi rin siya tumitigil sa pag-aaral, kasalukuyan siyang kumukuha ng Master of Science in Social Work sa St. Paul University Philippines (SPUP) Tuguegarao City, Cagayan.
Ang kwento ni Benji ay sumasalamin sa dedikasyon ng isang dating batang 4Ps na nangarap na makaahon sa kahirapan, nabigyang pag-asa at inspirasyon, at ngayon ay isa nang Social Worker na nagbibigay pag-asa sa iba at patuloy na nagpapasa ng inspirasyong minsang nagbago sa kanyang buhay. #
