“Ang tagumpay namin ngayon ay patunay na kahit mahirap ang pinagdadaanan sa buhay, basta may sipag, tiyaga, at pananalig sa Diyos ay makakamit din ang mga pangarap.”

Ito ang ibinahagi ni Tristian Earl Yarte, isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary mula Ballaigui, Sinait, Ilocos Sur, matapos niyang makamit ang Top 5 sa February 2026 Criminologist Licensure Examination — isang tagumpay na hindi niya inakalang maaabot dahil sa kanyang simpleng pinagmulan.

Sa kanyang pagbabalik-tanaw, masasabi niyang hindi pa lubos na malinaw noon ang landas na nais niyang tahakin. “Noong bata pa ako, hindi ko pa alam kung ano ang gusto kong maging. Ngunit sa gabay ng aking magulang at kamag-anak, nahikayat akong kumuha ng kursong Criminology at doon ko nakita ang aking layunin — ang makapaglingkod sa bayan bilang isang pulis,” ani Tristian.

Ibinahagi rin niya ang naging mahalagang papel ng 4Ps sa kanyang paglalakbay. Aniya, “Malaki ang naitulong ng 4Ps sa amin, lalo na sa mga gastusin sa pag-aaral. Dahil dito, naibsan ang hirap ng buhay dahil hindi na kailangang mangutang ng aming pamilya.” Dagdag pa niya, nakatulong din ang Family Development Sessions upang matutunan ng kanilang pamilya ang tamang pagpapalago ng kanilang pera at mapatatag ang kanilang samahan.

Mula 4Ps hanggang Top 5: Tagumpay na bunga ng tiyaga at suporta

Tangan lamang ang limitadong kakayahan, hindi nawalan ng pag-asa si Tristian upang harapin ang mga hamon sa buhay. Nagsumikap siya sa pag-aaral at pumasok sa mga part-time jobs upang makatulong sa gastusin ng pamilya. Dahil dito, lalo niyang pinagtibay ang pangarap na makapagtapos at makapagbigay ng mas maayos na kinabukasan para sa kanyang pamilya.

Binigyang-diin ni Tristian na ang kanyang tagumpay ay hindi lamang bunga ng sariling pagsisikap kundi ng pagsasakripisyo at pagmamahal ng kanyang buong pamilya. Ang kanyang Nanay Sharon na isang labandera, ang kanyang Tatay Dario na isa namang embalsamador, at ang kanyang kapatid na si Trix Dharren na isang person with disability (PWD), ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon. Dagdag pa niya, lahat ng kanyang narating ay nais niyang ibalik sa kanila bilang pasasalamat at bilang pagkilala sa bawat pagod, luha, at pagmamahal na ipinagkaloob nila ng walang kapantay.

Ang kwento ni Tristian ay isang patunay sa layunin ng 4Ps na mapabuti ang kalagayan ng pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon, mas maayos na kalusugan, at pagpapaunlad ng kakayahan ng bawat miyembro ng pamilya. Mula sa simpleng pamilya hanggang sa pagiging Top 5 sa Criminologist Licensure Examination, ipinakita ni Tristian na posibleng makamit ang pangarap sa tulong ng tamang gabay ng pamilya at suporta ng gobyerno. Ang buhay ni Tristian ay isa sa maraming kwento na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa iba pang 4Ps beneficiaries upang magsumikap, magtiwala sa sarili, at manatiling matatag sa pagharap ng mga hamon sa buhay.

Sa huli, nag-iwan si Tristian ng mensahe para sa kapwa kabataan at mga 4Ps families, “Huwag mawalan ng pag-asa dahil ang bawat pagsubok ay maaaring maging daan tungo sa mas magandang kinabukasan.” #